Tinakpan na ng mga empleyado ng Light Rail Transit Line 1 (LRT-1) ang signage ng Taft Avenue station na may maling spelling.
Matatandaang dinumog ng netizens ang post ng Facebook user na si Annie Rose Laborte nitong Biyernes, Marso 15, kung saan makikita ang signage ng Taft Avenue sa LRT-1 na:
“E2 Exit
Taft Avenue
National Bureau of Investagation.”
Kapansin-pansin kasi sa naturang signage ang wrong spelling ng “Investigation” na “Investagation.”
Kaugnay nito, makikita sa video ng ABS-CBN News ang pagtakip ng LRT-1 employees sa wrong spelling na signage ng Taft Avenue sa Southbound side ng LRT-1 UN Avenue nito ring Biyernes.
Ayon sa panayam ng ABS-CBN sa mga empleyado ng LRT, tinakpan muna nila ang naturang signage at mamayang gabi o bukas ng Sabado, Marso 16, nila ikakabit ang signage na may tamang spelling.
Tama naman daw ang ibang nakapaskil sa istasyon ng tren at ang naturang signage lang umano ang may maling spelling.