“Hanggang vlog na lang ba siya?”

Pinuna ni Kabataan Party-list Rep. Raoul Manuel si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. hinggil sa hindi umano nito pagharap sa libu-libong mamamayang nagpoprotesta laban sa December 31, 2023 deadline ng franchise consolidation sa ilalim ng Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP).

"Hindi man lang humarap si Marcos Jr. mismo para magpaliwanag sa libu-libong mamamayang nagpoprotesta laban sa PUV phaseout," ani Manuel sa isang pahayag nitong Biyernes, Disyembre 29.

Giit pa ng mambabatas, iniiwan umano ng pangulo sa ere ang mga tsuper, operator at komyuter na haharap sa transport disaster dahil sa naturang mandatory franchise consolidation at PUVMP.

Dec. 31 deadline ng PUV consolidation, mananatili – DOTr chief

“Hanggang vlog na lang ba siya? Ang lider ay marunong tumanggap ng pananagutan, pero siya, iniiwan sa ere ang milyun-milyong pinagsamang tsuper, operator at komyuter na haharap sa transport disaster at masaker sa kabuhayan," saad ni Manuel.

Matatandaang nanindigan si Department of Transportation (DOTr) Secretary Jaime Bautista noong Huwebes, Disyembre 28, na hindi na umano nila palalawigin ang December 31 deadline ng franchise consolidation ng PUVMP.

Taong 2017 nang simulan ng Department of Transportation ang PUVMP. Ngunit tutol dito ang mga jeepney driver at mga operator dahil masyado umanong mahal ang modern jeepneys na ilang milyon daw ang aabutin.

Kaugnay nito, ilang mga grupo rin ang nagkasa ng transport strike kamakailan upang palakasin ang kanilang panawagan.

“Daan-daang libo ang mawawalan ng kabuhayan sa buong bansa pagdating ng December 31. Samantala, magreresulta rin ng malawakang transport crisis ang pagpupumilit sa programa… Ang pinagsisilbihan lamang ng PUVMP ay ang malalaking negosyanteng lokal at mga dayuhang korporasyon,” pahayag ng transport group na PISTON kamakailan.

https://balita.net.ph/2023/12/17/manibela-piston-nakahanda-na-sa-transport-strike-sa-dec-18-29/