Iniutos ng Department of Education (DepEd) sa lahat ng pampublikong paaralan sa buong bansa ang simple at matipid na pagdaraos ng seremonya sa pagtatapos ng school year dala ng kaliwa’t kanang pagtaas ng mga produktong petrolyo.
Sa inilabas na pahayag ng DepEd nitong Lunes, Marso 23, binanggit na ang mga selebrasyong pagtatapos sa mga paaralan tulad ng graduation at moving up rites ay dapat idaos nang walang labis na gastusin o mararangyang kasuotan, alinsunod sa Memorandum No. 015 series of 2026.
Saad ni DepEd Sec. Sonny Angara, ang inisyatibang ito ay naaayon din sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na pagbabawas ng pasanin ng bawat pamilya sa kasagsagan ng taas presyo sa pasahe at mga pangunahing bilihin.
“We must ensure that this milestone remains a celebration of achievement rather than a financial ordeal for our parents, especially as we navigate the economic impact of rising fuel costs,” panawagan ni Angara.
Kaya aniya pa, prayoridad dapat ng mga paaralan ang kapakanan at kakayahang-pinansyal ng mga mag-aaral sa pamamagitan ng payak ngunit makabuluhang selebrasyon, na walang karagdagang gastusin.
“Our schools must prioritize the welfare of learners by keeping these ceremonies simple, meaningful, and entirely free of unnecessary expenses,” saad ni Angara.
Kaya sa ilalim pa ng direktibang ito mahigpit na ipinagbabawal ang anumang uri ng paniningil ng bayad para sa mga seremonya.
Bilin rin ng DepEd sa mga pinuno ng paaralan na ang pakikilahok ng mga mag-aaral sa seremonya ay hindi dapat nakadepende sa pagbabayad ng mga kontribusyon.
Bagkus, ang lahat ng kailangang gastusin ay dapat kuhanin mula sa pondo ng Maintenance and Other Operating Expenses (MOOE) ng paaralan.
Bukod pa rito, hindi rin daw requirement sa pagtatapos ang iba pang non-academic activities ng paaralan tulad ng field trips at prom nights.
Sa kaugnay na ulat, tinatayang 1.9 milyong Grade 6 learners at 1.8 milyong Grade 12 learners ang magsisipagtapos sa School Year 2025 - 2026, sa buong bansa.
Habang ang lahat ng graduation at moving up activities ay nakatakdang idaos sa darating na Marso 30 o 31.