Mapayapa sa kabuuan ang idinaos na Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) sa bansa.

Ito ang naging pagtaya ng isang opisyal ng Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV), na nagsilbing accredited citizen’s arm ng Commission on Elections (Comelec) sa botohang idinaos nitong Lunes, Oktubre 30.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

“Generally peaceful at mukhang nag-behave 'yung ating mga barangay and SK candidates,” ayon kay PPCRV Director for Voters’ Education Dr. Arwin Serrano, sa isang pulong balitaan.

Ani Serrano, wala silang naitalang malaking kaganapan sa eleksiyon, maliban sa pailan-ilang insidente ng paglabag sa mga panuntunang itinatakda ng poll body, gaya nang distribusyon ng sample ballots kahit na mahigpit na itong ipinagbabawal.

May ilang botante rin anila ang nagrereklamo dahil nahirapan sa paghahanap ng kanilang mga presinto.

Aniya pa, naging mas mabilis at maayos din naman ang pagboto ng mga persons deprived of liberty (PDL) ngayong taon.

Pinuri rin niya ang inisyatiba ng Comelec na pabotohin ng maaga ang mga matatanda, mga buntis at mga persons with disabilities PWDs, sa ilang lugar.

Nagpahayag rin siya ng pag-asa na sa susunod ay hindi lamang sa Naga at Muntinlupa ito isagawa.

“‘Yung early voting sana next time around hindi lang Naga at Muntinlupa ‘yung magkakaroon ng early voting.”

Naging maganda rin aniya ang karanasan ng mga botante sa 11 lugar na kalahok sa mall voting kaya’t umaasa silang madaragdagan pa ang 11 malls na kalahok dito, sa susunod na eleksiyon.