Pinaalalahanan ng Department of Labor and Employment (DOLE) nitong Linggo ang mga employers hinggil sa holiday pay guidelines ngayong long weekend.

Ayon kay Labor Secretary Bienvenido Laguesma, ang Oktubre 30, gayundin ang Nobyembre 1 at 2, ay pawang special non-working holidays, kung kailan umiiral ang "no work, no pay" policy.

National

UP, top university pa rin sa Pinas; Iba pang paaralan sa bansa, pasok sa Asian ranking!

Gayunman, kung ang isang empleyado aniya ang papasok sa trabaho sa mga nasabing special non-working holidays, sila ay dapat na mabigyan ng karagdagang 30% ng kanilang arawang sweldo.

Sakali naman aniyang ang isang empleyado ay mag-overtime sa trabaho, sa panahon ng special non-working holiday, ang kanilang 130% na kumpensasyon, ay daragdagan pa 30% ng kanilang arawang sahod.

Kapag ang empleyado naman ay nagtrabaho sa isang special non-working holiday, na natapat sa araw ng kanilang day off, sila ay dapat na bigyan ng 50% na wage augmentation, sa halip na karagdagang 30% premium lamang.

Nilinaw naman ni Laguesma, na ang "no work, no pay" policy ay subject sa qualifications.

"Baka po mayroong umiiral na mas mabuti o mas magandang company policy na kahit na hindi ka pumasok dahil holiday ay babayaran ka rin o ano mang klaseng arrangement ninyo ng inyong employer," aniya sa panayam sa TeleRadyo.

Aniya pa, kung may collective bargaining agreement (CBA) na nagsasaad na tuwing special holiday ay mayroong pakinabang na sweldo ang mga manggagawa ay mas makabubuti ito para sa kanila.