Ex-BI official, 9 taon kulong sa pamemeke ng travel docs
Hinatulang makulong ng korte ang isang dating opisyal ng Bureau of Immigration (BI) kaugnay ng pamemeke ng travel documents ng isang Austrian fugitive tatlong taon na ang nakararaan.
Sa pahayag ng National Bureau of Investigation (NBI), si dating BI supervising officer Marcos Nicodemus ay hinatulang makulong ng hanggang siyam na taon matapos mapatunayan ng Pasay City Regional Trial Court Branch 111 na nagkasala sa kasong paglabag sa Republic Act (RA) 10175 (Cybercrime Prevention Act of 2012) at RA 3019 (Anti-Graft and Corrupt Practices Act).
Nag-ugat ang kaso nang atasan ni Nicodemus si immigration officer Darren Ilagan noong Agosto 2020, na palsipikahin ang travel record ni Jan Marsalek, isang Austrian businessman na matagal nang pinaghahanap ng batas dahil sa pagkakasangkot sa nawawalang US$2 bilyon sa German payment processing company na Wirecard.
Sa testimonya ni Ilagan, inutusan siya ni Nicodemus na ilagay sa dokumento na dumating sa bansa si Marsalek noong Hunyo 23, 2020 sa pamamagitan ng pagdaan sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 1.
Gayunman, nakatatak sa travel records ni Marsalek ang "cancelled by user" at nakasaad na dumating ito ng bansa noong Hunyo 24, 2020 via Mactan-Cebu International Airport (MCIA).
Nabisto ng NBI-International Airport Investigation Division na hindi pumasok ng bansa si Marsalek at hindi rin ito lumabas ng Pilipinas sa pamamagitan ng pagdaan sa MCIA.
Pinaniniwalaang nagtatago sa Russia si Marsalek na patuloy pa ring pinaghahanap ng International Airport Investigation Division (Interpol).
PNA