Sinisilip na ng mga tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG) ang oil tanker na umano'y sumalpok sa isang fishing boat malapit sa Scarborough Shoal na ikinasawi ng tatlong mangingisdang Pinoy kamakailan.

Sa pahayag ni PCG spokesperson Rear Adm. Armando Balilo, nasa Singapore na ang kanilang mga tauhan upang humingi ng tulong sa Port State Control para inspeksyunin ang oil tanker na MV Pacific Anna na rehistrado sa Marshall Islands.

National

Ilang retiradong AFP at PNP officials, sumulat kay PBBM; inalmahan 2025 nat'l budget?

“The inspection should be targeted in the vessel compliance with the regulations of SOLAS Chapter V (safety of navigation) the result of their inspection could be used in our investigation,” ani Balilo.

Paliwanag ni Balilo, hiniling din nila sa Marshall Island Flag State na maglunsad din ng imbestigasyon sa insidente.

“We expect with this formal request the Flag State of Marshall Island will conduct a safety investigation in compliance with the IMO’s Casualty Investigation Code Chapter 6 that the state of the ship involved in a very serious maritime casualty is responsible for ensuring that a marine safety investigation be conducted and completed,” anang opisyal.

Idinagdag pa ni Balilo, gagamitin ang resulta ng imbestigasyon sa paghahabol ng danyos ng mga pamilya ng tatlong nasawi sa insidente.

Matatandaang tumaob ang FB Dearyn matapos salpukin ng oil tanker 180 nautical miles mula sa Agno, Pangasinan nitong Oktubre 2.

Sa isinapublikong marine traffic video ng PCG, naglalayag ang Pacific Anna sa timog kanluran ng karagatang malapit sa Panatag Shoal nang mabangga nito ang nabanggit na fishing boat.

Nitong Setyembre 27, umalis ang nasabing barko sa Incheon, South Korea at inaasahang darating sa Singapore sa Oktubre 5, ayon na rin sa automatic identification system data ng PCG.

PNA