National

DepEd, sinabing walang korapsyon sa pamumuno ni Sonny Angara

Posible umanong aksidente lamang ang insidente ng banggaan ng oil tanker at fishing boat malapit sa Panatag Shoal na ikinasawi ng tatlong mangingisdang Pinoy kamakailan.

Ito ang isinapubliko ni Philippine Coast Guard (PCG) spokesperson for the West Philippine Sea, Commodore Jay Tarriela sa Bagong Pilipinas Ngayon briefing nitong Huwebes.

Kaagad ding nilinaw ni Tarriela na walang palatandaang sangkot sa insidente ang China Coast Guard o ang kanilang maritime militia vessels.

Malabo rin aniyang sinadya ang insidente batay na rin sa testimonya aniya ng mga survivor.

“Sila rin mismo 'yung nagsasabi na in this particular time na nangyari ito, masyadong madilim ang area, pangit ang panahon. So, there's a possibility na hindi nga sila napansin," anang opisyal.

Malapit din aniya sa Pangasinan ang pinangyarihan ng insidente at nasa labas na ng karagatan ng Bajo de Masinloc.

“If you're going to plot the area kung saan nabangga itong ating mga mangingisda, ito ay may distansya na 180 nautical miles from Agno, Pangasinan. So, mas malapit siya sa Pangasinan kesa Bajo de Masinloc," anang opisyal.

Nilinaw din ni Tarriela na nakipag-ugnayan na sila sa pinaghihinalaang oil tanker Pacific Anna na nakarehistro sa Marshall Islands kaugnay ng isinasagawang imbestigasyon sa kaso.

Matatandaang nakaangkla ang nasabing bangka sa nasabing lugar nitong Lunes ng madaling araw nang naganap ang insidente.

PNA