Patay ang isang 14-anyos na lalaki matapos pagbabarilin ng mga suspek na lulan ng isang motorsiklo sa Zone 7, Barangay Puelay, Villasis, Pangasinan noong Biyernes, Setyembre 15.
Sa ulat ng Manila Bulletin, kinilala ng Pangasinan Police Provincial Office ang namatay na si Charles Edward Rosete Serquiña, 14.
Sugatan naman ang dalawang lalaki na sina Leonardo Rabara Balbin Jr., 42, at Orlando Alegre Pascua, 50, dahil sa tama ng ligaw na bala.
Ayon sa imbestigasyon ng pulisya, pinagbabaril umano ng tatlong beses si Serquiña ng isa sa mga suspek gamit ang caliber .45 pistol.
Ang mga suspek ay may suot na itim na jacket at lulan ng kulay dilaw na motorsiklo sa national highway sa Barangay Puelay.
Agad namang dinala ang mga biktima sa Dr. Marcelo Chan Memorial Hospital sa Rosales, ngunit sa kasamaang palad, idineklarang patay si Serquiña.
Ayon kay Officer-on-case Police Chief Master Sgt. Lorene Osia na ang pamamaril ay kaso ng “mistaken identity” o maling pagkakakilanlan.
Dagdag pa ng pulisya natukoy na ang person of interest, at ito anila ang maaaring maging solusyon sa kaso.