Ang “Night Owl: A Nationbuilder’s Manual”, ang librong isinulat ni Anna Mae Yu Lamentillo tungkol sa “Build, Build, Build” Program ng gobyerno, ay kabilang na ngayon sa koleksyon ng mga aklatan sa ilang Ivy League universities at iba pang international libraries.

Ayon kay Lamentillo, Undersecretary for Public Affairs and Foreign Relations ng Department of Information and Communications Technology (DICT), ang Night Owl ay bahagi na ngayon ng mga aklatang ito: ang Harvard Kennedy School Library, ang Cornell University Echols Collection, at ang Columbia University. Ipamamahagi rin ang libro sa mga aklatan ng iba pang mga Ivy League university.

Ang Night Owl ay kabilang din sa US Library of Congress, University of California Berkeley, Northern Illinois University, University of Washington, University of California Los Angeles, at University of Toronto Libraries.

“Nagpapasalamat ako sa aking publisher, ang Manila Bulletin, na ginawa itong posible. Layunin namin na ipamahagi ang libro sa mga aklatan sa labas ng bansa upang ibahagi ang paglalakbay ng Pilipinas tungo sa pagiging isang trillion-dollar economy sa pamamagitan ng malakas na pamumuhunan sa pagpapaunlad ng imprastraktura,” sabi ni Lamentillo.

National

Tinapyasang budget ng opisina ni VP Sara, ‘di na dapat baguhin – Sen. Risa

Isinasalaysay ng Night Owl ang kuwento ng pinakamalaking programa sa imprastraktura ng gobyerno ng Pilipinas sa ilalim ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo R. Duterte. Mula sa average na 2.5% ng GDP na taunang paggasta sa pagpapaunlad ng imprastraktura sa mga nakaraang dekada, ang gobyerno, sa pamamagitan ng “Build, Build, Build” ay nagsimulang gumastos ng hindi bababa sa 5% ng GDP nito sa mga programang pang-imprastraktura upang makumpleto ang kabuuang 29,264 kilometrong mga kalsada, 5,950 na mga tulay, 11,340 na estrukturang pangontrol sa baha, 222 evacuation centers, 150,149 na mga silid-aralan, 214 na mga paliparan, at 451 na mga daungan, sa pagitan ng 2016 at 2021.

Naglalaman din ang libro ng isang kabanata sa programang “Build Better More” ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., na nagpapatuloy sa nasimulan ng “Build, Build, Build” at dinagdagan ng isang malakas na digital infrastructure program.

Ang Night Owl ay isinulat ni Lamentillo, inedit ni AA Patawaran, at inilathala ng Manila Bulletin Publishing Corporation.