Ibibigay kaagad ang honoraria ng mga guro na mag-du-duty sa Barangay at Sangguniang Kabataan elections (BSKE) sa Oktubre 30.

Ito ang tiniyak ng Commission on Elections (Comelec) nitong Lunes kasunod ng pagpirma nito ng kasunduan sa Department of Education (DepEd) at Public Attorney's Office (PAO) upang matiyak ang proteksyon ng mga guro.

"Ang commitment natin baka hindi abutin ng 10 days din. Ibibigay natin on time 'yung lahat ng honoraria nila," ayon kay Comelec Chairperson George Erwin Garcia sa isinagawang press conference nitong Lunes.

Ang naturang desisyon ay bilang tugon sa kahilingan ni Vice President Secretary Sara Duterte na bayaran kaagad ang mga gurong magsisilbi sa halalan.

Matatanggap ng mga guro ang kani-kanilang honoraria 15 araw pagkatapos ng eleksyon.

PNA