Mababa pa rin nang mahigit tatlong milyon ang enrollees ng Department of Education (DepEd) kumpara noong nakaraang taong panuruan na umabot ng 28.6 milyon.
Base sa pinakahuling datos mula sa Learner Information System (LIS) nitong Sabado, Setyembre 2, 25,197,656 pa lang ang kabuuang enrollees para sa taong panuruang 2023-2024.
Pinakamarami umano ang mga nakapagpatala sa rehiyon ng Calabarzon na umabot sa 3,722,481 na sinusundan ng Region III na may kabuuang bilang na 2,790,907 habang 2,616,703 naman sa NCR.
Samantala, 233,554 estudyante naman ang nakapagpatala para sa Alternative Learning System (ALS).
Matatandaan na lumobo ang bilang ng mga out-of-school-youth noong Agosto 2020 bunsod ng pandemya. Mahigit 4 na milyon ang natapyas na bilang ng mga mag-aaral kung ikukumpara sa opisyal na tala ng DepEd noong 2019.