Binigyang-diin ni Department of Justice (DOJ) Secretary Jesus Crispin Remulla nitong Lunes, Abril 3, na sarado na sa mga pulis ang kaso sa pagpaslang kay Negros Oriental Gov. Roel R Degamo at walong iba pang nadamay matapos umano nilang makilala ang dalawang ‘mastermind’ sa kaso.

“Kumbaga sa pulis case closed na ‘to. Prosecution na tayo pagkatapos,” ani Remulla sa isang press conference ng Special Task Force Degamo.

Isiniwalat din ni Remulla kanina na kinilala ang naaresto nilang mastermind bilang Marvin Miranda, isang military reservist at mayroon umanong “very strong connection” kay Negros Oriental 3rd District Rep. Arnolfo “Arnie” Teves Jr. na siyang tinitingnan ding mastermind sa pag-ambush kay Degamo.

BASAHIN: Arestadong ‘mastermind’ sa Degamo-slay case, may ‘very strong connection’ kay Teves – Sec Remulla

National

Nancy Binay, nilinaw na 'di kaaway ang kapatid na si Abby: 'Pamilya pa rin kami!'

Ang dalawang tinuturong mastermind na sina Teves at Miranda ay may koneksyon umano dahil dating bodyguard ni Teves si Miranda na nakulong umano ng dalawang taon dahil sa illegal possession of firearms.

“We know who masterminded it, at least two of them, and we know who did it, ‘yung 11 kasama,” ani Remulla.

Nasa kustodiya na umano ng National Bureau of Investigation (NBI) si Miranda at 10 iba pang suspek sa pagpaslang kina Degamo.

Ayon pa kay Remulla, maraming suspek na nasa kustodiya na ng mga awtoridad ang nagsasabing mastermind nila si Teves at tinatawag pa umano nila itong “boss, idol, cong, at kalbo.”

Marami rin umano silang nakalap na ebidensya tulad ng mga testimonya, eye witness, mga nasamsam na baril, at ballistics examinations.

Hinikayat naman ni Remulla si Teves na umuwi na ng Pilipinas para sagutin ang mga katanungan sa kaniya at sinigurong dadaan sila sa due process.

“We just have to follow due process however painfully slow it may be. We have to follow the law so that we do not erase any of our gains. Kailangan pasagutin, kailangan maibigay sa kanya ‘yung mga statements,” ani Remulla. “‘Pag nakasagot na siya tsaka magdedecide ang panel kung ipapafile nga sa korte. ‘Pag nafile na sa korte mag-i-issue na ng warrant of arrest.”

Matatandaang nasawi si Degamo at walo pang sibilyan na nadamay matapos siyang pagbabarilin ng mga armadong indibidwal sa harap ng bahay nito habang siya ay nakikipag-usap sa ilang mga benepisyaryo ng 4Ps.

BASAHIN: Negros Oriental Gov. Degamo, pinagbabaril, patay!