ISABELA -- Binawian ng buhay ang isang konsehal habang sugatan naman ang isang alkalde at asawa nito matapos masangkot sa karambola ng tatlong sasakyan bayan ng Quezon, Isabela.

Sa ulat ng isang lokal na istasyon ng radyo, nakilala ang nasawi na si Quezon, Isabela Sangguniang Bayan (SB) member Candido Andumang habang sugatan naman sa insidente si Quezon Mayor Jimmy Gamazon Jr. at ang asawa nito. 

Naganap ang banggaan bandang  6:45 ng gabi, bisperas ng Pasko, Disyembre 24.

Lumalabas sa imbestigasyon ng PNP Quezon na  binabaybay ni SB Andumang sakay ng kaniyang pick-up truck ang daan pauwi galing ng Poblacion. 

Probinsya

OFW na hinoldap, inundayan ng saksak sa terminal sa Maynila, nakauwi na ba sa pamilya?

Napag-alaman na umano'y dumiretso ito  sa kabilang linya at sumagi sa kasalubong na SUV na minaneho ni Mayor Gamazon na bumangga rin sa isa pang SUV.

Ayon pa sa ulat ng mga awtoridad, bumaliktad din umano ang minamanehong sasakyan ng SB member.

Nadala pa sa pinakamalapit na pagamutan ang municipal councilor ngunit idineklara din itong dead-on-arrival. 

Habang dinala naman sa isang pribadong pagamutan si Mayor Gamazon kasama ang kanyang misis na parehong nagtamo ng mga sugat sa katawan. 

Iniulat naman na nasa maayos na kalagayan naman ang nakasakay sa isa pang SUV na nanggaling naman sa lungsod ng Tuguegarao.