Iraratsada ng Light Rail Transit Authority (LRTA) - 2 ang “Libreng Sakay” para sa kababaihan sa darating na Linggo, Marso 8, bilang pakikiisa sa pagdiriwang ng International Women’s Day.
Base sa anunsyo ng LRT-2 nitong Martes, Marso 3, ang libreng sakay ay aarangkada mula 7:00 AM hanggang 9:00 AM at 5:00 PM hanggang 7:00 PM.
Ayon pa kay LRTA Administrator Hernando Cabrera, ang inisyatibang ito ay kanilang paraan upang maipakita ang suporta sa kababaihan at pagkilala sa kanilang mahalagang gampanin sa lipunan.
“Sa bawat biyahe ng kababaihan—bilang lider, manggagawa, ina, estudyante, at tagapagtaguyod ng pagbabago—nararapat lamang silang kilalanin at ipagdiwang. Ang libreng sakay na ito ay munting handog bilang pagpupugay sa kanilang lakas, dedikasyon, at inspirasyon sa ating bansa,” pagbati ni Cabrera.
Sean Antonio/BALITA