Nagpaabot ng pagbati si Military Ordinariate of the Philippines Bishop Oscar Jaime Florencio sa lahat ng eligible Persons Deprived of Liberty (PDLs) o mga bilanggong pinalaya bago ang araw ng Pasko.
Ayon sa Obispo, na kasaping miyembro ng prison ministry ng Simbahan, mahalaga at napapanahon ang pagpapalaya sa mga bilanggo upang makapiling ang kanilang mga mahal sa buhay sa pagsapit ng Pasko at pagsalubong sa bagong taon.
“Congratulations doon sa mga napalaya at maraming salamat din sa mga ahensya ng gobyerno na tulong tulong upang itong mga kapatid natin ay makaisa sa kanilang mga pamilya lalong lalo na sa paskong ito at sa bagong taon,” ani Florencio, sa panayam sa church-run Radio Veritas nitong Biyernes.
Itinuturing rin naman ng Obispo ang kalayaang ipinagkaloob ng Bureau of Corrections (BuCor) at Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) sa mga eligible PDLs na magandang regalo.
“Ito po ay magandang kanilang gift on this Christmas and this New Year, so ito po ay siguro bigyan po natin ng congratulations ang ating BJMP at saka yung Bureau of Corrections na kung saan sila po ay hinihikayat nila na mayroon po tayong palalayain na ganito karami,” dagdag pa niya.
Binigyang-diin naman ng obispo na ang pagbibigay ng kalayaan sa mga karapat-dapat na mga bilanggo ay hindi nangangahulugang gumawa ng masama at lumabag sa batas ang sinuman.
“Hindi ibig sabihin na anyway pinapalaya din tayo ay okay lang gumawa ng mga hindi karapat-dapat, hindi po. Kung ano yung alam natin na hindi tama ay hindi tama talaga yan. Mananatili tayo sa mga mabuti,” aniya pa.
Matatandaang ilang araw bago ang Pasko ay pinalaya ng BuCor ang mahigit sa 300 bilanggo kung saan 129 sa nasabing bilang ay nabigyan ng parol, 154 ang o nakumpleto na ng kanilang sentensya, walo naman ang pinawalang sala ng hukuman at 33-senior citizens ang pinalaya.
Unang umapela ang Kanyang Kabanalan Francisco ng "gesture of clemency" sa mga lider ng iba't ibang bansa para sa mga eligible PDLs ngayong pasko.