Hindi magbebenta ng tickets at hindi rin magdaraos ng lotto draws ang Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) sa araw ng Pasko at maging sa Bagong Taon.
Ito ay batay na rin sa anunsyo inilabas ng PCSO nitong Lunes hinggil sa selling period at schedule ng lotto draws nila ngayong 2022 Yuletide Season.
Nabatid na sa Disyembre 24, 2022, ang selling period para sa lotto at digit games ay idaraos mula alas-7:00 ng umaga hanggang 1:30 ng hapon lamang habang ang draw schedule ay itinakda ganap na alas-11:30 ng umaga, alas-12:30 ng tanghali at alas-2:00 ng hapon.
Wala namang bentahan at lotto draws sa Disyembre 25, na araw ng Pasko.
Simula Disyembre 26 hanggang Disyembre 30 naman ay magkakaroon ng regular selling at regular draws ang PCSO.
Samantala, sa Disyembre 31, ang selling period ng lotto at digit games ay itinakda mula alas-7:00 ng umaga hanggang ala-1:30 ng hapon, habang ang draw schedule naman ay alas-11:30 ng umaga, alas-12:30 ng tanghali at alas-2:00 ng hapon.
Wala ring selling at schedule ng draw sa Bagong Taon, Enero 1, 2023.
Simula naman Enero 2, 2023 ay balik na sa normal ang selling at draws ng PCSO.