Sa ginanap na media conference para sa kontrobersiyal na pelikulang "My Father, Myself" sa direksiyon ni Direk Joel Lamangan, na isa sa mga opisyal na pelikulang lahok sa 2022 Metro Manila Film Festival o MMFF, ay nauntag umano ang Kapamilya actor na si Jake Cuenca tungkol sa laplapan nila ng co-actor na si Sean De Guzman, na isa sa mga naging dahilan kung bakit umani ng samu't saring reaksiyon mula sa mga netizen ang kanilang pelikula.
Natawa na lamang daw si Jake at sa ibang paraan sinagot ang diretsahang tanong sa kaniya. Batay raw kasi sa komento ng kanilang direktor na si Direk Joel, very good scene daw ito, kaya masasabi ni Jake na nasiyahan o satisfied siya sa ipinakita nila ni Sean.
Kung tutuusin, hindi na bagito pa si Jake sa pakikipagtukaan sa kapwa lalaki sa pelikula. Ginawa na nila ito ni Joem Bascon sa pelikulang "Lihis" noong 2013 kung saan si Direk Joel din ang naging direktor nila.
Nawindang ang mga netizen sa kakaibang plot ng pelikula dahil literal na "kabit-kabit" ang love story sa pagitan ng mga karakter dito, at talaga namang masasabing "mind-blowing", batay sa lumabas na teaser noong unang linggo ng Nobyembre.
Mas lalo pang nawindang ang mga netizen sa kissing scenes nina Jake at Sean habang nasa sementeryo sila.
R-18 ang rating nito sa MTRCB kahit ispluk ni Direk Joel, inilaban niya sa pamunuan na gawing R-16. Kapag R-18 kasi, hindi maipalalabas ang pelikula sa mga SM Cinemas.
Basahin: https://balita.net.ph/2022/11/08/higupang-malala-mga-netizen-shookt-sa-plot-patikim-na-eksena-nina-jake-at-sean-sa-upcoming-movie/">https://balita.net.ph/2022/11/08/higupang-malala-mga-netizen-shookt-sa-plot-patikim-na-eksena-nina-jake-at-sean-sa-upcoming-movie/