Sinimulan na ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang pagsagip sa mga Badjao at Aeta na nagtutungo sa Metro Manila at iba pang malalaking lungsod sa bansa upang mamalimos sa lansangan tuwing Kapaskuhan.

Paliwanag ni DSWD Secretary Erwin Tulfo, tutulungan din nilang makapagnegosyo ang mga ito upang hindi na sila bumalik sa lansangan.

Aniya, inumpisahan na nila noongNobyembre 18 ang pagsasagawa ng rescue operation kung saan nasa 100 na Badjao ang nasagip sa Metro Manila.

“Dati-rati kasi ay bibigyan lang sila ng pagkain, bibilhan ng ticket ng barko, at bibigyan ng barya-barya at saka pauuwiin. You do not solve their problem. Ang problema, wala silang makain sa kanilang lugar dahil wala silang hanapbuhay o pinagkakakitaan kaya pabalik-balik sila dito sa NCR o malalaking lungsod para magpalimos," aniya.

National

Asawa ni Harry Roque, pinaaaresto na rin ng Kamara

Bukod sa puhunan na ₱10,000, bibigyan din ng food pack, family at hygiene kits ang bawat pamilya.

Sinabi naman ni DSWD Standard Bureau Undersecretary Denise Bragas na nangangasiwa sa rescue operations ng mga katutubo sa lansangan, matapos ang pagsagip sa mga Badjao at Aeta, ay isusunod na nila ang pagsagip sa batang lansangan.