Nagwagi ang Pasig City local government unit (LGU) bilang "Most Business-Friendly LGU" sa National Capital Region (NCR) sa ilalim ng Level A1 o Highly Urbanized Cities category ng Philippine Chamber of Commerce and Industry (PCCI) sa ginanap na 48th Philippine Business Conference and Expo noong Huwebes, Oktubre 20 sa Manila Hotel.
Personal na tinanggap ni Pasig City Mayor Vico Sotto at City Administrator Jeronimo Manzanero ang plaque of recognition mula kay Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr.
Ibinahagi ni Sotto ang parangal ng lungsod sa kaniyang Facebook account nitong Biyernes, Oktubre 21.
"Maaaring ito ang pinaka fulfilling na parangal na natanggap natin sa loob ng 3 taon... Dahil hindi lang ito parangal para sa isang tao, kundi pagkilala sa tagumpay ng Pamahalaang Lungsod. Nakamit natin ito sa pagsusumikap ng iba't ibang opisina at indibidwal para maisakatuparan ang mga reporma tungo sa mabuting paggogobyerno na hinahangad nating lahat," saad ng alkalde.
Ikinuwento rin niya ang pag-imbita sa kaniyang PCCI noong 2019.
"In 2019, PCCI invited me to a forum, where I shared our new administration's commitment towards good governance reforms, narrowing in on the Ease of Doing Business. Many of them shared their thoughts, suggestions, and even grievances. We listened and got to work," ani Sotto.
"3 years later, they invited me again, but this time to recognize the city government for its efforts. In 3 years, we have reduced the number of steps to get permits, established a business one stop shop for the central business district, entrapped corrupt officials... and so much more," dagdag pa niya.
Binigyang-diin ng alkalde na simula pa lamang daw ito at asahan na mas magiging madali pa raw ang pagnenegosyo sa Pasig.
"Ang exciting part?? Simula pa lang 'to! Sa susunod na mga buwan ay magiging mas madali pa ang pagnenegosyo sa Pasig. Systems and physical improvelents in the Office of the Building Official, a new business one stop shop for our city's northern quadrant, continuous capacity building for our personnel, atbp.
"Salamat at congratulations sa lahat ng nagtrabaho at tumulong, sa pangunguna ng ating City Administrator's Office at Business Permits and Licensing Department."
Bukod sa Pasig, nakakuha rin ng Most Business-Friendly LGU award ang Pakil, Laguna; Kapalong, Davao Del Norte; Tagbilaran City, Bohol; General Trias City, Cavite; Mandaue City, Cebu; at provincial government ng Bulacan.
Ibinigay ang naturang award sa mga LGU na nagtaguyod at nagpatupad ng mga patakaran at programa para buhayin at palakasin ang operasyon ng pagnenegosyo sa kanilang mga lokalidad sa gitna ng Covid-19 pandemic.