'Walang ambag pantoma.'
Nadakip ang tatlong lalaki matapos umanong magnakaw ng sitsirya sa isang convenience store sa Lungsod Quezon, madaling-araw ng Lunes, Agosto 15.
Ang tatlong lalaki, na naispatan ng tindera, ay sinasabing walang pang-ambag sa kanilang tomahan kaya minabuti na lamang magnakaw ng sitsirya sa naturang convenience store. Kaagad namang nagsumbong ang tindera sa barangay hall. Lingid sa kaalaman ng mga suspek, kuhang-kuha sila sa CCTV mula sa convenience store hanggang sa mga CCTV na naka-install sa mga kalyeng nilakaran nila.
Nagdahilan pa ang isa sa mga suspek na kaya lamang nila nagawa ito ay dahil lasing na sila at nahihiya na sila sa kanilang mga kainumang tropa. Wala raw kasi silang nai-ambag.
"Alam mo 'yong pakiramdam na wala kang ambag sa inuman na nakakahiya sa mga kasama mong umiinom na may ambag. Alam ko mali pa rin 'yon, pasensya na lang masasabi ko," sabi ng suspek.
Naghugas-kamay naman ang iba pang mga kainuman ng tatlong suspek at sinabing hindi nila inutusan o wala silang alam sa ginawa ng mga ito.
Nadala pa umano sa pulisya ang mga suspek para makasuhan ng shoplifting pero hindi na naituloy dahil ₱30 lang naman ang presyo ng sitsiryang kanilang nakuha mula sa convenience store. Naibalik na lamang ang sitsirya at pinatawad sila ng may-ari.
Sa kabilang banda, hindi naman sila nakaligtas sa paglabag sa ordinansang pagsusuot ng face mask kaugnay ng Covid-19, kaya pinagmulta sila ng ₱300 bawat isa.