Ngayong unang araw ng Agosto ay pormal nang nagsimula ang pagdiriwang ng Buwan ng Wika, ayon sa atas ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF), na ahensiyang pampamahalaang nangangalaga sa pagpapaunlad, paglinang, at pagpapayabong ng wikang Filipino bilang pambansang wika, gayundin sa mga katutubo at umiiral na lengguwahe sa Pilipinas.

Ang tema para sa taong ito ay "Filipino at mga Katutubong Wika: Kasangkapan sa Pagtuklas at Paglikha".

BALITAnaw

ALAMIN: Mga dapat mong malaman tungkol kay Jose Rizal

Iba't ibang mga gawain ang inihanda ng KWF para sa pagdiriwang kagaya ng mga timpalak at webinar upang mas maunawaan pa ang gamit ng wikang Filipino at mga katutubong wika sa pagtuklas at pagbuo ng mga karunungan at kaalaman, upang makasabay sa makabagong panahon ngunit hindi nasasakripisyo ang mga pamanang kultural ng bansa.

Bago ang Agosto 1 ay inilahad na ni Komisyoner Benjamin M. Mendillo Jr., Phd noong Biyernes, Hulyo 29 ang malaking papel ng media sa pagbibigay-inspirasyon sa mga kabataan na maayos na gamitin ang ating wikang Filipino.

Isinagawa ang press conference sa bisperas ng Buwan ng Wika upang ibahagi sa media ang mga detalye ng mga programa at proyekto ng KWF sa pagpapalakas ng wikang Filipino at mga katutubong wika sa Pilipinas.

Kaugnay nito, inilabas na rin ng komisyon ang mga nagwagi sa Timpalak-Sanaysay ng Taon, Kampeon ng Wika, at Dangal ng Wika.

Kabilang ang aktor na si John Arcilla sa mga magagawaran ng parangal na "Kampeon ng Wika".

Ayon kay National Artist Virgilio Almario, nagsimula ang pagdiriwang ng Linggo ng Wika alinsunod sa bisà ng isang proklamasyon ni Pangulong Sergio Osmeña noong Marso 26, 1946. Nakasulat pa umano ito sa wikang Ingles at tinawag na “National Language Week”, mula Marso 27 hanggang Abril 2. Ang Abril 2 ay kaarawan naman ni Francisco "Balagtas" Baltazar na itinuturing na isa sa mahahalagang makata at manunulat sa panitikang Filipino.

Sumunod naman dito ang pagsusog ng proklamasyon ni dating Pangulong Ramon Magsaysay na pagdiriwang naman ng "Linggo ng Wikang Pambansa" sa Agosto 13 hanggang 19 kada taon. Inilipat ito dahil sa dahilang hindi na raw makakalahok ang mga paaralan sa pagdiriwang dahil tuwing Abril kadalasang nagpipinid ang mga klase. Tuwing Hunyo naman nagbubukas ang taong pampanuruan.

Noong Hulyo 15, 1997, pinalawig naman ng yumaong si Pangulong Fidel Ramos ang petsa ng pagdiriwang para sa wikang Filipino, sa bisa naman ng proklamasyon blg.1041, ginawa ito mula Agosto 1 hanggang 31.

May mga guro, propesyunal, at dalubwikang nagsasabing ang matagalang paggunita sa wikang pambansa ay isang nakalulungkot na senyales na hindi gaanong mulat ang mismong mga Pilipino sa sariling wika, kaya kinailangang habaan ang pagdiriwang nito.