Pinayagan na ng Department of Health (DOH) ang Department of Education (DepEd) na luwagan ang physical distancing rule sa mga paaralan sa pagdaraos ng limited in-person classes sa mga lugar na nasa ilalim ng COVID-19 Alert Level 1 para sa susunod na pasukan.

Sinabi ni DepEd Undersecretary Nepomuceno Malaluan nitong Lunes na inabisuhan na sila ng DOH na maaari na nilang i-relax ang distancing protocol, sa mga paaralang nasa ilalim ng naturang pinakamababang alert level.

Nangangahulugan ito na mas marami pang estudyante ang papayagang makadalo sa classroom sessions sa susunod na pasukan.

“Ngayon kasi may limitasyon tayo sa [kung] ilang mag-aaral ang maaaring i-accommodate sa isang silid-aralan para ma-observe 'yong physical distancing requirement,” paliwanag pa ni Malaluan, sa isang televised public briefing.

National

VP Sara sinabing si Romualdez ang gustong pumatay sa kaniya

“Sa pagpasok ng bagong school year, ang protocol na ipinaabot sa atin ng Department of Health, maaaring i-relax na 'yong physical distancing kung Alert Level 1,” ayon kay Malaluan

Sinabi ni Malaluan na ang DepEd ay nasa proseso na nang pagbuo ng mga guidelines para sa pagtuturo sa susunod na school year, na siya ring tutukoy kung paano ipatutupad ang blended learning.

Tutukuyin rin aniya kung gaano kadalas ang araw na magpi-face-to-face classes, gayundin ang araw para sa remote learning.

“The extent [of blended learning] will be contained in the guidelines. In other words, how many days will be face-to-face and how many will be allowed for remote learning, as a combination,” paliwanag pa niya.

Sakali naman aniyang magkaroon ng potensyal na surge ng COVID-19 cases na magtutulak sa pamahalaan na itaas ang alert level sa isang lugar, sinabi ni Malaluan na batid naman na ng mga paaralan ang mga protocols na dapat gawin.

“It really works like our storm signal... Alam na ng ating paaralan ang protocols for each of these alert levels,” aniya.

Matatandaang target ng DepEd na makapagdaos na ang lahat ng paaralan ng limitadong face-to-face classes sa School Year 2022-2023, na inaasahang magbubukas sa Agosto 22.

Ang mga paaralan lamang naman na nasa Alert Levels 1 at 2 ang pinapayagang magdaos ng physical classes sa basic education.