CAMP VICENTE LIM, Laguna - Arestado ang isang pinaghihinalaang miyembro ng gun-for-hire group matapos mahulihan ng mga armas sa Balayan, Batangas nitong Biyernes ng madaling araw.
Kinilala ni Police Regional Office 4A (Calabarzon) Director Brig. Gen. Antonio Yarra, ang suspek na si Lorenzo Pedraza Holgado, 55.
Sinabi ni Yarra na ang pag-aresto ay isinagawa sa bahay ng suspek sa Barangay Santo, Balayan dakong 2:10 ng madaling araw.
Sa pahayag ng mga tauhan ng Regional Mobile Force Battalion (RMFB) 4A, Regional Special Operations Unit4A, Regional Intelligence Unit (RIU) 4A, IntelligenceService-Armed Forces of the Philippines (ISAFP) at Balayan Municipal Police Station, hindi na nakalaban ng suspek nang arestuhin ito base sa search warrant na inisyu ni Judge Carolina Faustino De Jesus-Suarez, Presiding Judge ng Branch 108, 4th Judicial Region, Regional Trial Court, Balayan.
Nakumpiska sa suspek ang isang Cal. 45 pistol at magazine nito, at dalawang bala, pitong magazine at 61 bala ng Cal. 45, isang granada, isang black inside holster ng caliber .45, at isang black case ng Cal. 45.
Sa imbestigasyon ng pulisya, isa umanong miyembro ng gun-for-hire si Holgado na inupahan ng mga tiwaling pulitiko.
Nahaharap na si Holgado sa kasong paglabag sa Republic Act 10591 (Comprehensive Law on Firearms and Ammunition Act) kaugnay ng ipinatutupad na gun ban sa bansa.