Naglabas ng opinyon si labor leader at presidential candidate Ka Leody De Guzman hinggil sa naging resulta ng mga survey na lumalabas. Aniya, hindi sila apektado sa resulta ng mga ito ngunit asahan ng publiko na hihigitan pa nila ang kanilang panunuyo sa mga botante.

"Hindi kami apektado ng resulta ng mga surveys pero asahan ng publiko na dodoblehin o tritriplehin pa namin sa PLM - Partido Lakas ng Masa ang aming pagsisikap na abutin ang pinakamalaking bilang ng mga manggagawa’t masa na sawang-sawa na sa isang kahig, isang tukang buhay habang nagtatampisaw sa pinagpagurang buwis ng mamamayan ang mga elitistang pulitiko," pahayag ni De Guzman.

Dagdag pa ng labor leader, may limitasyon ang survey at hindi siya nakakasama sa mga kandidato sa sina-survey.

Aniya, ang ilang surveys ay nababayaran at wala silang sapat na pera upang ipang-gastos dito kaya naman iginiit ni De Guzman na kinakailangan ng mapagkakatiwalaang survey agency na hindi umano nababayaran tulad na lamang ng UP School of Statistics.

Kahit na mababa ang porsyentong nakuha ng presidential hopeful ay siniguro nitong hindi siya aatras sa karera ng pagka-pangulo.

"Wala kaming balak umatras at hindi rin namin rerendahan ang mga lider-manggagawa at aming volunteers sa kanilang taos-pusong pag-iikot para ipaliwanag ang kahalagahan at kawastuhan ng paglahok ng kandidatong manggagawa sa panahon ng kaliwa’t kanang krisis na pinapasan ng masang Pilipino," ani De Guzman.

"Hanggat ang aming mga karibal ay patuloy sa pagsusulong ng kanilang plataporma na papakinabangan lamang ng mga bilyonaryo’t mga dinastiya, walang panlipunang pwersa ang makakapigil sa lumalaban na manggagawa," dagdag pa nito.

Matatandaan na sa pinakabagong survey result na inilabas ng public opinion polling body sa Pilipinas na Pulse Asia, na isinagawa noong Marso 17 hanggang 21, nakakuha lamang ng 0.02% si De Guzman — higit na malayo sa nangungunang kandidato na si dating Senador Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.