PANGASINAN - Mahigpit na ipinagbabawal ang pagkain ng shellfish sa Bolinao matapos magpositibo sa red tide karagatan nito, ayon sa Bureau of Fisheries Aquatic Resources (BFAR) nitong Huwebes.
Kinumpirma ng BFAR-Regional Fisheries Laboratory Division (Marine Biotoxin Laboratory), nakitaan ng mataas na lebel ng paralytic shellfish poison (PSP) ang nakuhang shellfish sample sa nabanggit na lugar.
Kaugnay nito, pinayuhan ng BFAR ang publiko na huwag munang kumain, humango o magbenta ng anumang uri ng shellfish at alamang sa nasabing coastal water hangga't hindi pa bumababa ang toxicity level ng mga nasabing lamang-dagat.
Gayunman, nilinaw ng BFAR na maaari pa ring humango ng isda, pusit, hipon at alimango sa lugar at maaaring kainin basta tanggalin ang hasang at bituka at linisan nang husto bago lutuin.
Tiniyak din ng BFAR na babantayan nila ang nasabing lugar para sa kaligtasan ng publiko.