Nadagdagan pa at umabot na sa 224,000 ang bilang ng mga depektibong balota na para sana sa May 9 National and local elections.

Ito ay mula sa dating 178,990 lamang sa huling ulat nila kamakailan.

“It reaches to 224,087. So, ito po ‘yung mga official ballots na found to be defective and needs to be reprinted,” ayon pa kay Comelec Commissioner Marlon Casquejo, sa isang pulong balitaan nitong Miyerkules.

Aniya, kahit tapos na ang isinagawa nilang pag-iimprenta ng may 67.4 milyong opisyal na balota para sa halalan, nagpapatuloy pa rin ang beripikasyon ng mga balota upang matiyak ang kalidad ng mga ito.

Hanggang sa kasalukuyan aniya, 83.93% na ng mga balota ang naberipika at 14.44% na lamang ang sasalang pa sa beripikasyon.

Tiniyak din ng opisyal na matapos ang beripikasyon, ang mga depektibong balota ay sisirain.