BAGUIO CITY -- Inamin ni Sorsogon Governor at ngayon ay kandidato sa pagka-senador Chiz Escudero na mas pabor siya sa small scale mining dahil mas maraming tao ang matutulungan nito kumpara sa large open pit mining na mas maraming madidistroso at hindi naman nakikinabang ang komunidad.
Ayon kay Escudero, meron ng batas na ipinasa kaugnay sa small scale mining, basta ito ay aaprubahan ng lokal na pamahalaan at para matiyak na hindi makakasira ng kalikasan at maging rason ng anumang landslide.
“Sa lalawigan ng Sorsogon, hindi ko pinayagan ang open-pit mining at kung meron man ang puwede ay small scale mining para mas lalong makatulong sa aming kababayan,pero sa dulo isa ito sa mga dapat bigay na kapangyarihan sa lokal na pamahalaan, hindi lang dapat DENR ang nagdedesisyon, dapat pumayag ang LGU at dapat pumayag ang komunidad kung saan gagawin ang anumang pagmimina, lalo na yong malalaking minahan," ani Escudero nitong Linggo, Marso 27 nang magtungo sa Baguio para sa kanyang campaign sortie.
Matatandaang sa loob ng mahigit 3 taon simula nang ipag-utos ni Environment Secretary Roy Cimatu ang pansamantalang pagpapahinto ng small-scale mining industry sa Cordillera, ang libu-libong pocket miners na umaasa sa camote mining bilang kanilang pangunahing pinagkukunan ng kabuhayan ay naghihirap mula sa ang mabigat na epekto ng kautusang nag-alis sa kanilang mga pamilya ng napapanatiling mapagkukunan ng kabuhayan.
Noong Setyembre 2018, iniutos ni Secretary Cimatu ang pansamantalang pagpapahinto ng mga small-scale mining activity sa rehiyon kasunod ng trahedya na insidente ng landslide sa Level 070, Ucab na nagresulta sa hindi napapanahong pagkamatay ng mahigit 100 pocket miners na sumilong sa isang bunkhouse ng Benguet Corporation sa kasagsagan ng Bagyong Ompong.