Itinakda na ng Commission on Elections (Comelec) sa Mayo 2-7 ang final testing at sealing ng mga vote counting machines (VCMs) na gagamitin sa national and local elections sa bansa sa Mayo 9, 2022.

Hinikayat ni Comelec Commissioner George Garcia ang publiko at mga partidong politikal na magtungo sa mga polling precincts sa buong bansa upang personal na saksihan ang naturang aktibidad.

Ang bawat presinto aniya ay gagamit ng 10 original ballots para sa eleksyon at ang mga bisita na sasaksi sa aktibidad ay maaaring sumubok na gamitin ang mga ito.

“Magkakaroon tayo sa lahat ng presinto sa buong Pilipinas ng tinatawag nating final testing and sealing, ‘yung pagsasara ng mga vote counting machines. Ineengganyo natin ang lahat ng political parties, citizens' arm, mga kababayan nating botante, inyo pong puntahan ang mga presinto sa araw na ‘yan,” anunsiyo pa ni Garcia, sa isang panayam sa radyo nitong Linggo.

National

Mark Andrew Yulo, inimbitahan ni Sen. Bong Go sa PBA game

“Ite-test po kasi ang mga vote counting machines. Susubukan ‘yan at kinakailangan lahat po kayo ay makasaksi na ang ipi-print niya muna na resibo ay zero. Kinakailangan niyong makita ang zero dahil ibig sabihin niyan walang laman ang makina dahil zero ang pinrint niya,” aniya pa.

Maaari ring subukan ng mga volunteers, na lalahok sa final testing at sealing ng VCMs, na mag-undervote o mag-overvote, imali ang shading ng mga balota, at drowingan o punitin ang balota, upang malaman kung tatanggapin ang mga ito ng mga VCMs o hindi.

“Para ma-test natin talaga bang ‘yung balota ko, kinakain ba talaga ‘yan ng machine? Talaga bang ang balota ay tinatanggap, at ‘yung ang boto ko ba ay nabilang nang tama? Doon niyo po makikita para po hindi nagrereklamo,” paliwanag pa niya.