May 22, 2026

Home FEATURES Human-Interest

ALAMIN: Mga dapat tandaan bago magtampisaw sa tubig ngayong dry season

ALAMIN: Mga dapat tandaan bago magtampisaw sa tubig ngayong dry season
Photo courtesy: Unsplash

Ipinaalala ng Philippine National Police (PNP) sa publiko na sa kabila ng pagbababad at paglangoy sa tubig sa kasagsagan ng tag-init, importante pa ring maging alerto at mapagmasid sa paligid dahil sa mga panganib na posibleng mangyari. 

Saad ng PNP sa kanilang pahayag noong Miyerkules, Marso 25, nagsisilbing paalala ang naitala nilang 151 kaso ng mga nalunod sa bansa simula Abril 1 hanggang Mayo 31, 2025. 

Kung saan, 141 dito ang mga nasawi; pito ang sugatan; at pito rin ang naitalang nakaligtas. 

Kaya binanggit ni PNP Chief, Police General Jose Melencio C. Nartatez Jr., sa publiko, partikular sa mga magulang, na ugaliing panoorin ang kanilang mga anak sa tubig at dalhin lamang ang mga ito sa designated areas kapag lalangoy. 

“Parents should always supervise their children. Swim only in designated areas, check for lifeguards, wear life vests when needed, and avoid risky behavior such as diving in shallow water or swimming alone. Simple precautions can prevent accidents and save lives,” saad ng hepe. 

Human-Interest

‘Okay ka lang?’ Mga paraan upang ‘mangumusta’ sa kaibigan o katrabaho

Aniya pa, sa mga simpleng gawaing ito, maiiwasan ang aksidente ang trahedyang dala ng pagkalunod, na posibleng magdulot ng pagkawala ng buhay. 

MAKI-BALITA: PNP, nagbabala sa mga magtatampisaw sa tubig ngayong tag-init

Bukod sa mga paalalang ito ng mga awtoridad, narito pa ang ilan sa mga dapat tatandaan bago magtampisaw sa tubig ngayong tag-init: 

Iwasang uminom ng mga inuming may alcohol bago lumangoy o magbabad sa tubig

Ayon sa mga pag-aaral, dahil isang uri ng depressant ang alcohol, nakapagdudulot ito ng pagbagal ng reaction time at pagkaantok habang nasa tubig. 

Bukod pa rito, naaapektuhan rin nito ang iba’t ibang senses ng katawan, partikular ang paningin, pandinig, at pakiramdam, na posibleng magdulot ng pagkabuway palabas ng tubig sa oras ng sakuna. 

Mag-ingat sa suction o natural hazards 

Para sa mga lalangoy sa swimming pool, tandaan na ang filter sa ilalim nito na humihigop ng tubig, ay posibleng mahigop rin ang ibang parte ng katawan tulad ng buhok, mga daliri, braso, binti, at braso, na maaaring mauwi sa pagkalunod. 

Para naman sa mga lalangoy sa ibang anyong tubig tulad ng ilog, lawa, at dagat, ang mga alon, dikya, at mga hindi inaasahang malalalim na parte, ay may mga dala ring panganib, kaya huwag kalimutang magsuot ng life vest sa pagtatampisaw rito at maiging tingnan ang kapaligiran para sa lifeguard. 

Dalhin ang maintenance na mga gamot at first aid kit

Bagama’t mayroong in-house doctors at medical staff sa mga resort at beach, huwag pa ring kalimutang dalhin ang maintenance na mga gamot kung may iniindang sakit o kondisyon at sariling first aid kit upang matiyak na agad mabibigyang lunas ang sarili o kapamilya sa oras ng sakuna. 

Iwasang lumangoy mag-isa

Isa pa sa mga ipinapayo ng eksperto ay ang pagkakaroon ng “swimming buddy” dahil sa oras ng hindi inaasahang pangyayari, may kasama na agad sasaklolo at makahihingi ng tulong sa mga on-duty lifeguard. 

Mag-warm up bago magbabad sa tubig

Upang maiwasan ang injuries tulad ng pagkapulikat, ang warm up ay ipinapayo sa iba’t ibang pag-aaral, mapa-professional o recreational swimmer man.

Gumamit ng sunscreen 

Ayon naman sa American Academy of Dermatology Association (AAD), inirerekomenda ang Sun Protection Factor (SPF) 30 na sunscreen upang maproteksyonan ang balat laban sa UVB (Ultraviolet B) at UVA (Ultraviolet A). 

Ilan pa sa mga dapat tandaan sa pagbili ng sunscreen bago ang araw ng paglangoy ay ang pagiging “water resistant” at “broad spectrum” nito upang matiyak na mapoproteksyunan ang balat hindi lamang sa araw, ngunit pati na rin sa mga kondisyong dulot ng labis na pagbibilad dito tulad ng skin cancer, sunburn, melasma, sun allergy, at heat rash.

MAKI-BALITA: ALAMIN: Ano ang recommended sunscreen SPF para maiwasan pagkasunog ng balat sa araw?

Agad magtungo sa isang lifeguard sa oras ng sakuna

Dahil hindi inaasahan kung kailan makararanas o makakatagpo ng sakuna, mainam na alamin ang mga istasyon ng awtoridad sa resort o beach na pupuntahan upang agad na makapagbigay-alam kung sakaling may hindi magandang pangyayari at maiwasan ang pagkataranta. 

Ayon sa ilan pang pag-aaral, mainam na ipagbigay-alam agad sa mga lifeguard o iba pang awtoridad ang mamamataang nakapanghihinalang bagay na lumulutang sa tubig dahil sa posible nitong panganig na maidudulot sa mga tao.