Hindi umubra ang boltahe ng Meralco nang talunin sila ng Alaska Aces sa pamamagitan ng buslo ni RK Ilagan sa Governors' Cup ng PBA Season 46 sa Ynares Center sa Antipolo City nitong Sabado ng gabi.
Eksaktong 4.7 segundo na lamang ang natitira sa final period at abante ng isa ang Bolts, 93-92 nang pakawalan ni Ilagan ang kanyang winning shot sa harap ni Bong Quinto.
Dahil sa pagkakapanalo ng Aces, pinatatag pa nito sa 6-3 panalo-talo ang kanilang kartada.
Naipanalo pa rin ng Alaska ang laro kahit napatalsik ang import na si Olu Ashaolu sa fourth quarter dahil sa matinding foul nito kay Cliff Hodge.
Ito na ang ikaapat na tagumpay ng Aces mula nang inanunsyo ng pamunuan nito na aalis na sila sa liga matapos ang 35 seasons.
Inihayag naman ni Alaska coach Jeff Cariaso na para talaga kay Ilagan ang nasabing huling play.
“Honestly, yes it was. I think when you work as hard as RK does and you put in the work, he deserves the opportunity,” ani Cariaso.
Hindi naman napakinabangan ng Bolts ang 32 points ni Allein Maliksi na tanging nanguna sa kanyang koponan.
Sa kabila ng pagkatalo, nakapuwesto pa rin sa tuktok ang Meralco, 6-2 panalo-talo.