Nangako si Manila Mayor at Aksyon Demokratiko presidential candidate Isko Moreno sa mga mamamayan nitong Linggo na hahabulin at pananagutin niya ang lahat ng peddlers o nagpapakalat ng fake news o sangkot sa misinformation at disinformation sa social media.
Ayon kay Moreno, papanagutin niya hindi lamang ang mga account holders kundi maging ang mga malalaking kumpanya sa likod ng nasabing operasyon.
“‘Yang mga me ari ng social media company na ‘yan, papanagutin ko ‘yan. Kasi walang sumusubok sa kanilang habulin sila ng bansa eh,” anang alkalde.
Idinagdag din ng alkalde na ang mga nasa likod ng paggamit ng trolls para magpakalat ng misinformation at disinformation at maging ang mga trolls mismo ay papanagutin sa kanilang mga ginagawa.
Binigyang-diin ni Moreno na ang social media companies ay may responsibilidad na huwag hayaang gamitin ang kanilang sistema sa pagpapakalat ng maling impormasyon upang lituhin ang publiko.
Sa isang pag-aaral, lumilitaw na ang social media ang siyang top source ng information at news sa bansa.
Ang Pilipinas ay itinuturing rin na isa rin sa may pinakamaramingsocial media users samundo.
Samantala, nangako naman si Moreno na dadamihan niya ang presensya ngArmed Forces sa West Philippine Sea sakaling siya ang mahalal na pangulo ng bansa.
“In a civilized world, and in a civilized time, we are guided by law and order. Pabor sa atin 'yong Hague (arbitral ruling) kaya dapat kilalanin nila 'yon. Hindi man nila kikilalanin, sisiguraduhin ko muna, first things first, food security,” sabi ni Moreno.
Tiniyak ni Moreno na sa ilalim ng kanyang panunungkulan ay makapangingisda ang lahat ngPilipino, mangingisda nang malaya sa pinag-aagawang bahagi ng katubigan sa bansa.
Siniguro pa ng alkalde na kung anumang bahagi ng katubigan ang kinuha ng dayuhang bansa sa pinag-aagawang bahagi, ito ay hindi na madaragdagan pa.
“Hindi na lalawak pa kung anuman 'yung mga nakuha nila, habang binabawi natin 'yong mga maaring mabawi,” sabi pa nito.
Mary Ann Santiago