Sumagot si Pasig City Mayor Vico Sotto sa isang media report sa Twitter tungkol sa pagdulog ni Vice Mayor Iyo Caruncho Bernardo ng legal advice matapos umanong magsalita ng masama ang alkalde tungkol sa pamilya ni Bernardo.

"Bakit "family's reputation"... may sinabi ba ako tungkol sa pamilya niya?" paglilinaw ni Sotto.

Sa isang video na inilabas ng bise alkalde noong Enero 19, 2022, sinabi niya na kaya siya nagsalita upang proteksyunan ang pangalan nila na pilit umano dinudumihan ni Sotto.

"Kaya ako magsasalita ngayon ay para proteksyunan ang pangalang Caruncho na pilit mong dinudumihan," ani Vice Mayor Bernardo kay Mayor Sotto.

Eleksyon

Archdiocese of Manila, hindi mag-eendorso ng kandidato sa eleksyon

"Pero para sadya mong palabasin na ako ay nasa air conditioned room lang at hindi nagtatrabaho, kailangan kong ipaalala sayo ang ambag ko at ng aking pamilya sa Pasig,"

"Tumakbo akong vice mayor noong 2019 unopposed, walang lumaban. 'Yan ay dahil sa maayos na serbisyo ko sa Pasigueño,"

"Suwerte ka Mayor Vico sumikat ka ngayong panahon ng social media. Hindi mo naranasan yung panahon na nasusukat ang eleksyon sa husay ng paglilingkod. Sa kalye nasusukat ang tunay na serbisyo, ang tunay na pagmamalasakit. Nakakalungkot, ngayong pilit ginagamit ang internet matabunan lahat ng pagkakamali at kakulangan sa serbisyo,"

"Tama ang sinabi mo, okay lang ang mamuna. Tama naman po 'yun. Pero kung ito ay may pupunahin o paninira lamang," ayon sa bise alkalde. 

Matatandaan na sinabi ni Sotto sa flag ceremony noong Enero 10, 2022 na walang masamang mamuna ngunit bilang may posisyon ay magtrabaho muna.

"Walang masama na mamuna pero pagdating sa mga pormal na proseso bilang halal ng bayan kailangan magtrabaho muna tayo. Anong karapatan nating mamuna kung yung pormal na tungkulin natin ay hindi natin nagagampanan," ani Sotto.