Natupad na ang pangarap ng isang rider na si Lemuel Castillo De Barbo, 25, matapos nito makapunta sa iba't-ibang lugar sa Luzon, Visayas, at Mindanao.

Tubong General Santos si De Barbo ngunit kasalukuyang naninirahan sa Las Piñas.

Ayon sa kanya, taong 2018 nang magsimula siya sa pagmomotor na kanyang ginagamit sa trabaho.

Ngunit ngayong taon, 2021, nag-resign sa kanyang trabaho bilang Radiologic Technologist.

Human-Interest

ALAMIN: Pagbibigay ng 13th month pay sa mga empleyado, paano nagsimula?

Pagbabahagi niya, ang kanyang pinaka-unang long ride ay noong pumunta siya ng Isabela upang kunin ang kanyang passport.

Dahil dito, nagkaroon ng masidhing pagnanais si De Barbo na matupad ang kanyang pangarap na maikot ang Pilipinas bilang isang solo rider.

Noong Nobyembre 13, sinimulan niya ang kanyang "Luzon to Mindanao PH adventure tour solo ride."

Nagsimula siya sa kanyang titirahang lungsod, Las Piñas patungo sa General Santos.

Larawan: Lemuel Castillo De Barbo/FB

Sa loob ng anim na araw, Nobyembre 13-19, naikot niya ang bansa at nakapunta sa 26 na lalawigan sa bansa: Laguna, Quezon Province, Camarines Norte, Camarines Sur, Albay, Sorsogon, Northern Samar, Samar , Eastern Samar, Leyte , Southern Leyte, Biliran, Surigao, Del Norte, Surigao Del Sur, Agusan Del Norte, Agusan Del Sur, Compostela Valley / Davao De Oro, Davao Oriental, Davao Del Norte, Davao Del Sur, Davao Occidental, Sarangani Province, South Cotabato, Cotabato, at Sultan Kudarat.

Larawan: Lemuel Castillo De Barbo/FB

Aniya, "Honestly, sobrang pagod, thrill at may halong kaba, since solo rider lang ako. Pero once naman kasi napuntahan ko sa ang places na gusto ko, lahat ng pagod mawawala at mapapalitan talaga ng enjoyment at saya."

Sa loob lamang ng taong 2021, 50 probinsya na ang napuntahan ni De Barbo, at nalalapit na siya sa kanyang personal na pangarap na mapuntahan ang 81 probinsya sa bansa.

Larawan: Lemuel Castillo De Barbo/FB

Dagdag pa niya, wala naman expiration o deadline ang kanyang pangarap at maituturing niya itong "personal lifetime achievement."

Kaya naman nag-iwan ng mensahe si De Barbo sa mga rider na nagnanais ring maikot ang bansa.

"Sa mga riders and sa mga adventurous na na-inspire sa ginawa ko, first thing na tatandaan niyo, kapag may gusto kayong goal or mapuntahan na places, make sure na mapagplanuhan niyo nang maayos. And laging tatandaan, kailangan mo ng presence of mind, at magdasal para may gabay ang panginoong Diyos kung san man tayo pumunta."