Nasa 30 pampublikong paaralan lamang muna ang lalahok sa idaraos na pilot implementation ng limitadong face-to-face classes sa bansa sa Nobyembre 15, 2021.

Sa isang birtuwal na pulong balitaan, sinabi ni Department of Education (DepEd) Assistant Secretary Malcolm Garma na mayroong kabuuang 638 paaralan sa buong bansa ang nagpahayag ng kahandaan na lumahok sa limitadong face-to-face classes.

Nasa 59 naman umano sa mga naturang paaralan ang nakapasa sa assessment ng Department of Health (DOH) ngunit 30 lamang pa lamang muna sa mga ito ang matutuloy na sumali sa naturang dalawang buwang pilot run.

Nabatid na tatlo sa mga naturang paaralan ay nasa Bicol Region, tatlo sa Western Visayas, walo sa Central Luzon, walo sa Zamboanga Peninsula, anim sa Northern Mindanao, at dalawa sa Soccsksargen.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Paglilinaw naman ni Garma, madaragdagan pa ang naturang bilang hanggang sa tuluyang maabot ang maximum 100 allowed schools.

“Based on the reports of the participating regions as of Oct. 13, only 30 schools will be pushing through with the pilot implementation of face-to-face classes,” ani Garma.

“Ang objective natin ay buoin natin iyong 100 na pampublikong paaralan,” aniya pa.

Nagpadala na rin aniya ang DOH ng bagong listahan ng mga paaralan para sa assessment ng DepEd.

Mayroon pa rin aniyang 46 pang mga paaralan ang umaapela na makalahok rin sila sa pilot implementation.

Iniulat rin naman ni Garma na nasa 317 na sa may 444 school personnel sa mga participating schools ang nabakunahan na laban sa COVID-19.

Sa ilalim ng guidelines na ipinalabas ng DepEd at DOH,tanging mga fully vaccinated na school personnel lamang ang papayagang lumahok para sa naturang pilot ng face-to-face classes.

Sa ngayon ay nasa proseso pa naman umano ang DepEd nang pagtukoy sa 20 pribadong paaralan na palalahukin rin sa pilot run.

Samantala, nabatid na nag-isyu na rin ang DepEd ng memorandum para sa paghahanda sa nalalapit na pagdaraos ng pilot face-to-face classes nitong Lunes.

Sa ilalim ng Memorandum No. 071, s. 2021 ng DepEd o ang ‘Preparations for the Pilot Face-to-Face, Expansion and Transitioning to New Normal,’ nakasaad na "All public schools nationwide shall conduct a self-assessment using the School Safety Assessment Tool (SSAT) in preparation for the expansion phase and onward transitioning to new normal of face-to-face."

Kasama rin naman sa magsasagawa ng self-assessment sa pamamagitan ng SSAT ang mga pribadong paaralan para matukoy ang antas ng kanilang kahandaan para sa ligtas na pagbubukas muli ng face-to-face classes sa bansa.

Mary Ann Santiago