Sisimulan na ng Commission on Elections (Comelec) ang pagsasala sa mga kandidatong naghain ng certificates of candidacy (COC) para sa May 9, 2022 national and local elections, kasunod na rin nang pagtatapos na nitong Biyernes ng panahon nang paghahain ng kandidatura.

Batay sa datos na inilabas ng Comelec, mula Oktubre 1 hanggang 8, ay umaabot sa 97 ang bilang ng mga kandidatong naghain ng kandidatura sa pagka-pangulo, 29 naman sa pagka-bise presidente, 176 sa pagka-senador at 270 naman ang party-list.

Ayon kay Comelec Spokesperson James Jimenez, maraming kandidato ang naghain ng kandidatura ngayon.

Tiniyak naman niya na dadaan muna sa proseso ng pagsasala sa Comelec ang mga kandidato para tiyaking hindi sila nuisance candidate o panggulong kandidato lamang, bago tuluyang payagang tumakbo sa eleksiyon.

Eleksyon

Archdiocese of Manila, hindi mag-eendorso ng kandidato sa eleksyon

Ipinaliwanag ni Jimenez na mayroong iba’t ibang kategorya ang nuisance candidates, kabilang dito yaong nag-file lamang para gawing katatawanan ang sistema, yaong nag-file lamang para lumikha ng kalituhan sa mga botante dahil magkapareho sila ng pangalan ng mas tanyag na kandidato, at yaong wala namang lehitimong intensiyong tumakbo para sa elective office kung saan siya nag-file ng kandidatura.

Tiniyak naman ni Jimenez na may iba’t ibang paraan ang Comelec para matukoy kung mayroon talagang lehitimong intensiyon ang isang kandidato na tumakbo sa halalan, kasama na aniya dito ang kaniyang campaign strategy, plataporma, at iba pa.

Inaasahan naman ni Jimenez na sa Disyembre ay maisasapinal na nila ang listahan ng mga kandidato para sa susunod na eleksiyon.

“Pagkatapos nito magsasala tayo, titingnan natin. Tatanggap din tayo ng mga reklamo laban sa mga nag-file. May ganyang klaseng mosyon na pwedeng gawin sa Comelec. Mapa-finalize list ng candidates natin baka December pa,” ayon pa kay Jimenez, sa panayam sa teleradyo.

Una na ring sinabi ng Comelec na itinakda na nila sa Nobyembre 15 ang deadline para sa substitution ng mga kandidato at ito ang isa sa mga inaantabayanan nila sa ngayon.

Dito aniya mabibigyan ng pagkakataon ang mga kandidato na maghain ng kanilang substitution mula sa kanilang political party.

Kaugnay nito, nagpaalala si Jimenez na walang karapatan na mag-substitute ang mga kandidatong walang partido, o independent candidate.

“Maraming independent ang nag-file so ang mga 'yan hindi magkakaroon ng right of substitution. 'Pag ang independent candidate ay nag-withdraw, that’s it. Tapos na. Wala siyang pwedeng ipalit sa kanyang tinatakbuhan,” aniya pa.

Mary Ann Santiago