Matapos ang kaniyang filing of candidacy bilang re-electionist ng Pasig City at mabalitan ang pagtakbo sa pagka-mayor ni Pasig City Vice Mayor Iyo Bernardo, nagbigay naman ng anim na paalala si Mayor Vico sa mga nasasakupang Pasigueño, sa pamamagitan ng kaniyang tweet nitong Oktubre 6, 2021.
"Good morning! Una, maraming salamat sa mga nagpadama sa akin ng overwhelming support. Sinusubukan kong replyan ang bawat text mula noong filing. Ngayong meron nang nagdeklara na tatakbo rin bilang mayor, konting paalala/pakiusap lang sa mga supporter. 6 na bagay po ito," panimula ni Mayor Vico.
"Una, FOCUS pa rin tayo sa trabaho. Trabaho, bago politika. Kahit sa pormal na campaign period, mananatili akong full-time mayor. Pangalawa, IWASAN natin ang 'mudslinging'. Kung tungkol sa trabaho o track record, sige pag-usapan natin (Dapat naman talagang suriin nang mabuti ang mga kandidato). Pero wag yung personalan o bastusan na."
"Pangatlo, MAGING MAPANURI, lalo na sa pekeng balita. Hindi porket may 'quote' ay totoo na ito. (Alam n'yo, yung gumagawa ng fake news at fake quotes noong 2019, halos sila pa rin yan ngayon.) Pang-apat, KUMBINSIHAN, hindi pagdikta. Kapag may kaibigan tayong nakita ninyo sa kabila, 'wag niyong pagalitan o takutin… Di ba kasama sa laban natin ang pag giba ng ganun klaseng politika?"
"Panlima, SUMUNOD TAYO sa mga alituntunin ng COMELEC, lalo na sa health protocols. Kung kailangan mag-meeting, dapat sa lugar na may bentilasyon at pasok sa IATF guidelines. Pang-anim, HINDI pa rin tayo gagastos nang malaki. Tandaan- ang gagastos ng malaki sa kampanya, ay malaki rin ang babawiin. (Ok lang tawagin akong kuripot, at least hindi magnanakaw. Ang importante, nagagamit sa tama at nang buo ang pera ng taumbayan.)"
"Yun lang po muna. Nawa'y maging maayos at mapayapa ang eleksyon sa Pasig at sa buong Pilipinas. God bless the 2022 Elections! #VoteWisely #Halalan2022," ayon sa alkalde.