Bagama't nakalipas na ang ating paggunita sa Buwan ng Wikang Pambansa noong nakaraang buwan, hindi ko maaaring palampasin ang pagkakataong ito nang hindi nag-uukol ng parangal o eulogy sa isang kababayan na maituturing na natatanging haligi ng Wikang Filipino. Palibhasa'y isang Bulakenyo, hindi matatawaran ang lantay na pagmamahal sa sariling wika ng iginagalang ko at isang kumpadre na si Supreme Court Associate Justice Ruben Reyes. Sayang at hindi niya ganap na naipagpatuloy ang kanyang pagpapahalaga sa ating wika dahil sa kanyang kamatayan kamakailan sa edad na 82 -- mahigit na isang dekada makaraan ang kanyang pagreretiro.
Naniniwala ako sa walang kagatul-gatol na pahiwatig ng isang kakilalang abogado tungkol sa yumaong Mahistrado ng Korte Suprema: He is known for encouraging the use of Filipino in court proceedings so the people will understand what is going on. Maliwanag na adhikain ng naturang Mahistrado na mabigyan ng lubos na impormasyon ang ating mga kababayan, lalo na ng nililitis na kinabibilangan ng mga hindi gaanong nakapag-aral.
Hindi malayo na ang ilan sa mga desisyon ni Justice Reyes ay nasusulat sa wikang Filipino, lalo na nga kung isasaalang-alang na kabilang sa kanyang mga talumpati at lektura ay nasusulat sa wikang pambansa. Katunayan, may pagkakataon na Filipino ang kanyang ginamit sa buong deliberasyon nang siya ay maging panauhing mananalumpati ng isang grupo ng mga mamamahayag at iba pang sektor ng mga mapagmahal sa katutubong mga lengguwahe.
Higit pa sa magkapatid ang relasyon namin ni Pareng Ruben -- tulad ng nakagawian kong tawag sa kanya. Isa ako sa mga naging sponsor o Ninong nang sila ni Kumareng Ellie ay magdiwang ng kanilang ika-25 taong pagsasama o silver wedding anniversary. Mula noon, malimit kaming nagkikita at nagkakape -- kasama ang isa pang retiradong Mahistrado ng Court of Appeals -- si Justice Bernardo 'Benny' Abesamis. Kamakailan, siya man ay sinundo na rin ng Maykapal, wika nga. Ngayon, nag-iisa na lamang ako sa lagi naming tinataguriang tungkong-kalan ng pagkakaibigan.
Isang madamdaming pakikidalamhati sa iyong mga mahal sa buhay, Pareng Ruben. Gayon din kay Pareng Benny. Sumalangit nawa ang inyong mga kaluluwa sa piling ng ating Panginoon.