Tahasan ang bintang ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Commission on Audit (COA) na nakagawa umano ng bribery at falsification of documents kasabay ng pagkastigo nito sa komisyon dahil sa pagpapalathala at pagsasapubliko ng paggasta ng mga ahensya ng pamahalaan.
Kinuwestiyon ng Pangulo ang nagpapatuloy na Senate investigation ukol sa P67 bilyong deficit spending ng Department of Health (DoH) sa COVID-19 response funds, kabilang na ang paglilipat ng P42 bilyon halaga sa Department of Budget and Management.
Ikinasa ng Senado ang imbestigasyon matapos na lumabas ang 2020 audit report ng COA sa Department of Health.
“Why don't you (COA) publish criminal cases filed against the auditing office involving corruption? Mas masahol pa, bribery, tinuturuan niyo mag falsify,” pahayag ni Pangulong Duterte sa kanyang taped national address.