Kinumpirma ni San Juan City Mayor Francis Zamora na nakapagtala na rin sila sa lungsod ng dalawang kaso ng Delta variant ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Sa isang pahayag, sinabi ng alkalde na nitong Martes lamang sila naabisuhan nabigyan hinggil sa pagpositibo sa Delta variant ng dalawa nilang residente.
Kabilang aniya sa mga pasyente ay isang 9-taong gulang na lalaki at isang 25-anyos na babae, na nagtatrabaho bilang call center agent sa isa pang lungsod sa Metro Manila.
Sinabi ni Zamora na ang babaeng pasyente ay sinuri sa isang pribadong ospital noong Hunyo 28 at naibigay lamang ang resulta ng pagsusuri sa City Health Office noong Hulyo 1. Asymptomatic naman umano ang pasyente at nakatapos na ng quarantine noong Hulyo 13.
Sa kaso naman ng batang pasyente, nagkaroon ito ng lagnat. Naging positive rin sa COVID-19 ang mga magulang nito.
Nuklasan na ang ama ng bata ay kasamahan sa trabaho at nakasalamuha ng 25-anyos na pasyente.Symptomatic rin naman umano ang ama ng bata at nagkaroon ng ubo at sipon habang asymptomatic naman ang kanyang misis.
Sumailalim na sa quarantine ang pamilya nito simula Hulyo 1 at pawang nakalabas na noon pang Hulyo 15.
Sa ngayon, aabot na sa 118,189 indibidwal sa lungsod ang nakatanggap na ang first dose.
Mary Ann Santiago