CEBU CITY – Patay na nang matagpuan ang isang liaison officer ng Department of Education (DepEd) at misis nito sa loob ng kanilang pick-up truck sa San Fernando, Cebu, nitong Biyernes ng gabi.
Sinabi ng pulisya, ang mag-asawa ay nakilalang sina Gavino Sanchez, 49, nakatalaga sa DepEd-Minglanilla, Cebu at Arlene Sanchez, na isa ring guro sa Tubod Elementary School sa Minglanilla.
Naiulat ng mga awtoridad na natagpuan ang bangkay ng dalawa sa loob ng kanilang Mitsubishi Strada pick-up sa bundok ng Brangay Tananas sa San Fernando, kamakalawa ng gabi, dalawang araw matapos mai-report sa pulisya na sila ay nawawala.
Sa paunang imbestigasyon, nakatanggap ang pulisya ng impormasyon na dinukot ng mga armadong lalaki ang mag-asawa nitong Miyerkules, dakong 4:00 ng hapon.
Paliwanag naman ni San Fernando Police chief, Cpl. Mario Paul Tino, ini-report sa kanila ng ilang residente ang pagkakatagpo sa isang pick-up truck na dalawang araw nang nakaparada sa gilid ng kalsada.
Sa pahayag ng mga residente, nakaamoy sila ng masangsang mula sa nasabing sasakyan kayaipinasyanilang buksan ito kung saan natagpuan ang bangkay ng mag-asawa.
Binanggit din ng ilang residente na nakarinig sila ng putok ng baril mula sa nasabing lugar kung saan natagpuan ang mag-asawa, nitong Biyernes ng madaling araw.
Sa salaysay naman ng anak ng mag-asawa, umuwi sa kanila ang kanyang ama at kumuha ng salapi nitong Miyerkules ng gabi.
Nagmamadali aniya ang kanyang ama na nagsabi pa na hinihintay na siya ng kanyang ina.
Naglunsad na ng imbestigasyon ang pulisya upang matukoy ang mga suspek.
Calvin Cordova