May 22, 2026

Home BALITA National

Pinas, sunod na target ng Iran? DND, nagbabala kontra 'fake news'

Pinas, sunod na target ng Iran? DND, nagbabala kontra 'fake news'
Photo courtesy: DND/FB


Inabisuhan ng Department of National Defense (DND) ang publiko na huwag maniwala sa mga maling impormasyong kumakalat online patungkol sa nagaganap na kaguluhan sa rehiyon ng Gitnang Silangan.

Sa ibinahaging Facebook post ng DND noong Lunes, Marso 2, tahasan nilang sinabing peke ang isang artikulong nagsasabi na nanginginig umano sa takot si Defense Secretary Gibo Teodoro dahil susunod na umano ang Pilipinas sa mga target ng bansang Iran.

“The Department of National Defense warns against videos and other materials posted online propagating false narratives about the situation in the Middle East. These messages are harmful and cause unnecessary confusion among the public,” saad ng DND sa kanilang post.

Anang ahensya, matutong kumuha lamang ng mga impormasyon mula sa mapagkakatiwalaang sources.

“We enjoin the public to refrain from sharing unverified materials and obtain information only from reliable sources,” anila.

“Rest assured that the DND remains ready to respond to possible contingencies to safeguard the welfare of Filipinos should conditions warrant further action,” pagtatapos nila.

Photo courtesy: Department of National Defense/FB

Giit pa ng DND, “contained” lamang sa Middle East ang kasalukuyang girian, at wala ring direktang epekto ang nasabing tensyon sa kahit saan mang teritoryo ng Pilipinas.

Samantala, tiniyak naman ng Philippine National Police (PNP) na sila ay handa at alerto kaugnay sa nasabing kaguluhan.

“So far, the conflict in the Middle East—and not only in the Middle East—involving our partners here ay wala pa namang nangyari. Huwag dapat mabahala ang ating mga kababayan para sa ganiyan na nangyayari. Of course, we are still on guard,” saad ni PNP Chief Gen. Jose Melencio C. Nartatez, Jr. sa press briefing ng ahensya noong Lunes, Marso 2.

MAKI-BALITA: PNP, alerto sa posibleng banta sa sigalot ng US-Israel laban sa Iran-Balita

Ayon naman sa kumpirmasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. kamakailan, isang Pinay caregiver na ang nasawi sa Israel bunsod ng nasabing tensyon, matapos nitong tulungan ang kaniyang matandang amo na makarating sa isang bomb shelter.

“Siya po ay isang caregiver sa Israel na tinutulungan ang kaniyang alaga para dalhin sa bomb shelter, ngunit hindi na po nakaabot sa bomb shelter at inabutan na sila bago sila nakarating," ani PBBM.

MAKI-BALITA: 'Tinamaan ng shrapnel ng bomba!' Pinay caregiver sa Israel, namatay habang tinutulungan ang alaga-Balita

Vincent Gutierrez/BALITA