Minsan pang pinalutang ng ilang mambabatas ang panukala hinggil sa pagtulak sa political dynasty -- isang kasuklam-suklam na sistemang pampulitika na monopolyo o kontrolado ng mga magkakamag-anak. Minsan ding sumagi sa aking utak ang walang kagatul-gatol na pagtutol ng nakararaming mambabatas: 'Dead-on-Arrival' ang naturang panukala pagdating sa plenaryo. Ibig sabihin, tila kunwari lamang ang gayong mga pagtatangka sapagkat higit na nakararami sa kanila ang tutol sa pagbuwag sa isang sistema na matagal nang pinakikinabangan ng kani-kanilang mga angkan.
Totoo na ang pagbabawal sa political dynasty ay itinatadhana sa ating Konstitusyon. Dangan nga lamang at ito ay hindi maipatupad hanggang hindi makapagpatibay ng tinatawag na enabling law ang mga mambabatas. Ang gayong batas ay kailangan magtadhana ng mga sistema at pamamaraan tungkol sa maayos, patas at makatarungang implementasyon ng anti-dynasty law. Matagal na itong hinihintay ng sambayanan subalit tila nananatiling nagbubulag-bulagan, nagbibingi-bingihan at nananatiling tahimik ang mga mambabatas sa nasabing panawagan.
Dahil dito, gusto kong maniwala na ang gayong pagwawalang-bahala ng kinauukulang mambabatas ay maaring mangahulugan ng katapusan ng kanilang political career. Hindi ba marapat lamang na ang gayong sistema na kaakibat ng pagsasamantala at kasakiman sa kapangyarihan at taliwas sa tunay na diwa ng demokrasya ay malipol sa kulturang pampulitika ng ating bansa?
Hindi na natin kailangan lumingon sa malayo upang masumpungan ang mga kampon ng political dynasty. At hindi rin sila dapat pangalanan sapagkat sa halos lahat ng sandali ay isinisigaw ang kanilang mga pangalan sa mga himpilan ng radyo at telebisyon. At natutunghayan natin sila sa mga print outfit. Hindi na dapat ipagtaka na kabilang sa political dynasty ang halos buong miyembro ng pamilya ng mga pulitiko -- asawa, anak, apo at ng mismong mga kaapu-apuhan.
Hindi lamang sa ating bansa, kung sabagay, talamak ang political dynasty. Hindi ba maging sa United States, mag-aama ang naghahalinhan sa panguluhan? Gayun din sa Singapore? At maging sa iba't ibang estado sa iba't ibang kontinente.
Hindi naman maaring maliitin, sa totoo lamang, na ang ilang grupo ng political dynasty ay karapat-dapat sa isang marangal at malinis na paglilingkod sa bayan; katanggap-tanggap sa sambayanan ang kanilang huwarang serbisyo -- dahilan kung bakit nananatili sila sa kapangyarihan sa mahabang panahon o hanggang sa nais nilang manungkulan.
Sa kabila ng paglutang ng gayong mga argumento -- ipagbawal man o hindi ang political dynasty -- ang ating mga kababayan ang hari ng kanilang sarili, wika nga. Nasa kanilang mga kamay ang pagpili ng mga lider ng nais mamuno sa kani-kanilang bayan sa darating na mga halalan.
Celo Lagmay