ni DAVE VERIDIANO
Para sa mga kababayan natin na halos mabasag na ang mga ngipin sa panggigigil sa pamunuan ng ating Armed Forces of the Philippines (AFP), dahil sa tila pagwawalang bahala nito sa namamayaning problema nang paghahari-harian ng mga militar ng China sa West Philippine Sea (WPS), isang magandang balita ngayon sa kanila ang sinasabing “mulat na ang mga mata” sa problemang ito ang karamihan sa militar at ‘di ito maaaring balewalain ng kanilang mga pinuno!
Sa katunayan, ang sinasabing halos 220 barkong militar ng China sa WPS ay kagyat na nabawasan – mabilis na kumaunti ang mga ito – nang mamayagpag kamakailan lang, sa makasaysayang lugar ang mga bagong barkong pandigma ng Philippine Navy, siyempre, kaagapay ang buong fleet ng aircraft carrier USS Theodore Roosevelt na ‘di matatawaran ang taglay na armamento sa pakikidigma.
Ang barkong pandigma ng United States of America (USA) na kung tawagin ay “aircraft carrier” ay animo isang buong kampo militar na lumulutang at tumatakbo sa karagatan, sakay ang daan-daang mga makabagong eroplanong pandigma, bukod pa sa libu-libong sundalo rito at mga armadong barko de-giyera na nakapaligid dito.
Ang buong fleet na ito ng USS Theodore Roosevelt lang naman ang ipinagmamalaking “escort” ng mga bagong dating na barkong pandigma ng AFP – bago po ito at hindi ‘yung mga dating “recycled” na binili natin -- mula sa USA na matagal nang itinuturing na “ally” ng ating bansa.
Ang komento ng isang kaibigan kong tiktik (intelligence operative) -- nabulunan ang China sa ginagawa nitong pag-angkin at pag-militarize sa mga piling isla sa WPS, nang makita ang malakas na pinagsanib na puwersa militar ng USA at RP na buong giting na nagpapatrulya sa lugar kaya’t agad na nag-pull-out ng kanilang puwersa sa gitna ng WPS.
Dagdag pa ng kaibigan ko, hindi lang USA ang umagapay sa AFP bagkus may iba pang puwersa mula sa ating mga kaalyadong bansa mula sa Europe, Southeast Asia at Middle East, na handang tumulong kung magkakaaberya – na aniya’y: “Wag naman sanang mangyari dahil ‘di pa tayo nakakaraos sa pandemiya, at saka hindi “giyera” ang solusyon dito, kundi diplomasyang pag-uusap ng mga bansang umaangkin sa iba’t ibang isla sa lugar.”
Naniniwala naman ako na kung ang pagbabatayan ay ang kasaysayan sa buong mundo, hindi basta-basta papasok sa gusot ang China, lalo pa’t nakita nito na may malakas na puwersa na ngayon na umagapay sa problema ng ating bansa sa WPS. Malaki raw kasi ang respeto ng China sa bansang “ipinaglalaban” ang karapatan kahit na medyo mahina ang puwersa militar – lalo pa nga’t may ibang bansa na kaagapay – kumpara sa mga nakaraang lantarang “pagpapatay-malisya” ng ating pamahalaan sa nangyayari sa WPS kaya’t lumala ang problema ng bansa.
Sa ngayon kasi, ‘di man kumilos ang buong administrasyon, may malakas na “boses” na naririnig na ang pamunuan ng AFP mula sa mas nakararami nitong tauhan, na “sumisigaw nang pabulong” na dapat na silang kumilos laban sa mga naghahari-harian na dayuhan sa ating mga isla.
Pero siyempre, may hangganan ang lahat…kapag napuno na ang salop, siguradong maghahalo ang balat sa tinalupan. Lilitaw at lilitaw ang tunay na damdaming Pinoy -- ang ipinaglalaban ang kanilang karapatan, sukdang ikawala ng buhay!
Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected]