Rigodon ng mga koponan sa MPBL pabor sa Vismin Cup

Ni Edwin Rollon

POSIBLENG malagasan ng miyembro ang Maharlika Pilipinas Basketball League (MPBL) sa desisyon ng mga players at ilang koponan na lumipat sa bagong professional league na Pilipinas VisMin Cup na magsisimula sa Abril 9.

Ang Vismin Cup ang kauna-unahang pro league sa South at sanctioned ng Games and Amusements Board (GAB). Ang MPBL, sa kabila ng pagkakaroon ng kontrata ng mga players ay naninindigan na commercial-amateur league.

Hugot ng netizen tungkol sa 'Andito na tayo sa edad na...' umani ng reaksiyon

Kabilang sa tahasang nagpahayag nang pagkalas sa liga na itinatag ni Senator Manny Pacquiao ay ang Basilan Steel. Sasabak ito sa VisMin Cup bilang Basilan Peace Riders.

Sa unang pahayag, nabanggit ng Basilan management na lalaro pa rin ang koponan sa MPBL kahit may commitment rin sila sa VisMin Cup, ngunit nabasura ang plano matapos ang kontrobersyal na desisyon ni MPBL Commissioner Kenneth Duremdes kung saan dineklarang default ang Basilan sa Southern Conference Finals laban sa Davao Cocolife matapos magpositibo sa COVID-19 ang apat na players nito.

Humingi ng ‘refund’ ang Basilan sa nagastos nila sa MPBL bubble sa Olongapo City. Ngunit nagkaroon muna nang hidwaan bago bumigay ang MPBL sa hiling ng Basilan.

Nitong Abril 1, naglabas naman ng memorandum si Duremdes kung saan binalaan ang mga players at koponan na maglalaro sa VisMin Cup na ituturin silang ‘professional’ sakaling magbalik laro sa MPBL.

Sa ipinapatupad na rules ng MPBL, pinapayagan lamang ang pitong dating pro na makapaglaro sa isang koponan at lima lamang ang kailangang palaruin sa bawat laro.

Sa Vismin Cup, sa 15-man lineup, kailangan lamang na may limang homegrown players (walang karanasan na maglaro sa ibang liga) na kailangang mabigyan ng playing time sa bawat laro ng koponan.