Ni DAVE VERIDIANO

‘DI ko maarok ang dahilan kung bakit animo nagbubulag-bulagan at nagbibingi-bingihan ang ating mga awtoridad sa bisa na kayang idulot ng gamot na Ivermectin, na pinatutunayan naman ng marami nating kababayang dalubhasa sa medisina na epektibong panlaban sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) batay na rin sa mga pag-aaral na isinagawa rito sa ibang bansa.

Sa halip kasi na iutos na pag-aralan ang Ivermectin kung paano ito makatutulong sa paglaban sa COVID-19, ay agad na ipinatigil ng Department of Health (DOH) at Food and Drug Administration (FDA) ang pagbebenta ng gamot na ito, na dati namang makukuha ng “over the counter” (OTC) sa mga botika.

Kaya’t kahit na marami nang napagaling si Dr. Allan Landrito, ang doktor na pangunahing nagre-reseta nito sa kanyang mga pasyente, ay napilitan itong tumigil at pansamantalang isinara ang kanyang tanggapan, sa pangambang ma-raid ng mga ahente ng DOH at FDA. Sabi kasi ng mga “henyo” sa FDA, ang Ivermectin ay gamot para sa mga hayup at hindi pang tao.

Sa lingguhang online news forum ng Balitaan sa Tinapayan Festival Bakeshop, inireklamo ni Dr. Landrito, pinuno ng Concerned Doctors and Citizens of the Philippines (CDCPh), ang pagpapatigil sa kanyang pagrereseta at pagbebenta ng Ivermectin, na sinasabi niyang isa sa pinakamura at mabisang “solution” sa pandemiyang COVID-19. Batay raw kasi sa kanyang karanasan sa paggamit ng Ivermectin – nakapagpagaling ito sa halos 8,000 naging pasyente niya sa buong bansa -- ay may kakayahan itong patayin ang deadly virus na nagpapahirap sa ating mga kababayan at nagpadapa sa ating ekonomiya. Ang halaga nito ay P200 para sa apat na linggong gamutan.

Sa kanyang opisyal na pahayag, sinabi ni Landrito: “So I stopped producing and dispensing my Ivermectin. Let the public also know that I am not in anyway selling it online. I am also not soliciting donations, financial or in any form, neither have I authorized anyone to solicit financial support for my cause nor payment for Ivermectin which I am even giving freely to indigents in the past.”

Maraming mga nagdarahop nating kababayan ang umaasa na makatutulong sana sa kanila ang Ivermectin kung hindi ipinahinto ang pagbebenta nito. Isa rito si Tatay Juaning, magso-sorbetes sa Novaliches, Quezon City na patuloy pa rin sa pagkayod para itaguyod ang dalawa niyang ulilang apo. Hinaing ni Tatay Juaning: “Takot ako sa karayom kaya gamot palagi ang tini-take ko para sa sakit. Nang malaman ko ang tungkol sa bisa ng Ivermectin laban sa COVID-19 nag-ipon agad ako ng pambili nito para may proteksyon at makapaghanapbuhay ako para sa aking mga apo.” Dagdag pa niya: “Kaso ipinagbawal agad, eh subok na naman…Palagay ko kasi mura at makakabawas sa kanilang kikitain sa napakamahal pero rekomendadong bakuna!”

Palagay ko’y malaki ang tama rito ni Tatay Juaning – baka nga maging kakumpitensiya ang murang presyo ng Ivermectin ng bakunang rekomendado ng mga “genius” kaya ipinatigil ang pagbebenta.

Kabuntot ng kontrobersiyang ito ay agad namang pumasok sa usapin ang ilan nating mambabatas para mag-conduct ng “inquiry in aid of legislation” sa naging desisyon ng FDA na i-ban ang paggamit ng mga “experimental COVID-19 medicine” gaya ng Ivermectin.

Ang sa akin lang naman – kung subok na ito at nakagagamot naman, bakit hindi pag-aralan batay sa sinasabing karanasan ng mga doktor, at ipagamit sa mga taong naniniwala na ito ang makagagamot sa kanila – kesa naman magkasakit ka at mamatay ng nakatunganga sa wala, dahil hindi ka ma-admit sa mga ospital na parang pila sa lotto ang haba ng naghihintay na ma-admit.

Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected]