ni Bert de Guzman
MALAYO pa ang 2022 national elections. Gayunman, marami na ang lumulutang na mga personalidad na posibleng mag-ambisyon at tumarget sa trono ng Malacañang.
Kabilang sa hanay ng mga presidentiable ay ang bayani ng Pilipinas sa larangan ng boksing, si Manny Pacquiao na ngayon ay isang senador mula sa pagiging kongresista.
Kung sa ibang bansa ay naghalal sila ng isang komedyante, kung hindi ako nagkakamali ay sa Guatemala, hindi naman siguro kataka-taka kung maghalal naman ang mga Pilipino ng isang boksingero.
Marami nang naging pangulo ang Pilipinas: May abugado, ekonomista, ordinaryong maybahay, mekaniko, heneral, artista, at dating alkalde, pero ang minamahal nating Pilipinas ay nananatiling naghihirap at kulelat sa larangan ng ekonomiya kumpara sa mga kalapit-bansa.
Sa puntong ito, sinabi ni Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin Jr. matapos niyang malaman na binabatikos si Pacquiao sa kawalang-kakayahan na pamunuan ang ating bansa dahil sa malimit niyang pag-absent bilang mambabatas, hindi nga raw marahil dapat na iboto ang 8-time boxing champion sa pinakamataas na puwesto sa gobyerno.
Ganito ang maanghang na pahayag ng may matalas na dilang Kalihim: “Don’t vote for but honor him.” Ibig sabihin ni Locsin, hindi sya dapat iboto ngunit dapat siyang parangalan.
Ang pahayag ay ginawa ni Locsin bilang reaksiyon sa news report sa sinabi ni retired Senior Associate Justice Antonio Carpio, ang lead convenor ng electoral coalition na 1Sambayan, na walang kakayahan ang boxing champion na mamuno sa bansa at ito ay pinatutunayan ng kanyang madalas na pagliban sa sesyon ng Kamara at ngayon ay sa Senado.
“Yes, siya ay isang mabuti at matapat na tao sa bawat himaymay ng kanyang katawan; kabaitan ng isang tao na nagbigay sa ating bayan ng pinakamataas na karangalan sapul ng EDSA ’86: he made us proud again to be Filipino,” ani Locsin.
Aniya, ipinakita ni Manny ang kabayanihan at katapangan sa lonang parisukat, paulit-paulit. “He did it with less fuss: in a square ring—again and again”. Nakilala ang Pilipinas sa buong mundo dahil sa tagumpay niya sa larangan ng boksing.
Samantala, noong Miyerkules, sumagot si Pacquiao sa kritisismo ni Justice Carpio tungkol sa nakaraang rekord niya sa Kongreso bilang isang top absentee.”Ang aking rekord ang siyang makapagsasalita bilang isang mambabatas sa kabila ng maraming absences.” Well, ano nga ba ang rekord ng ating boksingero?
Dalawang kasamahan ni Pacquiao sa Senado ang nagbunyag hinggil sa kanyang intensiyon na tumakbo sa panguluhan sa 2022. Gayunman, ang bagay na ito ay walang kumpirmasyon o pagtanggi mula sa boxing icon.
Bukod kay Pacquiao, lumulutang din ang mga pangalan nina Vice Pres. Leni Robredo, Manila Mayor Isko Moreno, Senator Nancy Binay, Panfilo Lacson, Gibo Teodoro na posibleng maging kandidato sa pagka-pangulo sa 2022. Lahat sila ay tumangging magkumpirma.
Tungkol sa isyu ng COVID-19, marami ang nababahala sa pagsipa ng bilang ng mga tinamaan ng virus sa nakalipas na ilang araw. Talagang kailangan ang ibayong pag-iingat at pagsunod sa mga patakaran ng Department of Health (DOH) sa health protocal at pagbabakuna. May paalala ang DOH sa mga opisyal ng gobyerno, lalo na sa mga alkalde, huwag agawan ng bakuna ang mga health worker.