ni Marivic Awitan
Matapos tanggihan ni Ramil de Jesus ang puwesto, isa sa nagrekumenda sa kanya sa nasabing posisyon ang itinalagang head coach ng Philippine women’s volleyball team.
Kasalukuyang head coach ng University of Santo Tomas men’s volleyball team at miyembro ng selection team ng Philippine National Volleyball Federation, Inc. (PNVFI)na naunang nagrekumenda kay De Jesus sa puwesto, si coach Arthur “Odjie” Mamon ang napiling humawak ng trabahong tinanggihan ng women’s volleyball mentor ng De La Salle University.
Napili namang maging deputies ni Mamon sina Creamline Thai coach Anusorn Bundit at dating national team mainstay Grace Antigua.
Nauna rito, muling itinalaga bilang head coach ng men’s squad si Dante Alinsunurin matapos nitong gabayan ang koponan sa makasaysayang silver medal finish noong 2019 Manila Southeast Asian Games.
Inaasahang ilalabas ng pamunuan ng PNVFI ang opisyal na appointments ng mga nabanggit na mga coaches sa darating na linggo.