ni Marivic Awitan
SASABAK ang Filipino speed skater na si Julian Macaraeg sa 2021 World Short Track Speed Skating na nagsimula nitong Huwebes sa Dorrecht,Netherlands.
Ang New York-based speed skater ang nag-iisang Filipino kalahok sa nasabing world championship.
Ang 17-anyos na si Macaraeg ang isa sa dalawang short track speed skater na nagmula sa tinaguriang tropical countries kasama ni Akash Aradhya ng India.
Tumatak ang pangalan ni Macaraeg sa Philippine sports scene noong Enero 2020 bilang unang Filipino speed skater na sumabak sa Winter Youth Olympics kung saan siya nagtala quarterfinal finish sa boys’ 500-meter event at semifinalist sa mixed-National Olympic Committee team relay event.
Isa rin siya sa dalawang Filipino athletes na sumali sa 2020 Winter Youth Olympics kasama ni alpine skier Ana Wahleithner.