ni Bert de Guzman
Umiiral ngayon sa United States (US) ang tinatawag na “hate crimes” laban sa mga Asian-American, at dito ay kasama ang mga Pilipino o Filipino-American na naninirahan sa bansa ni Uncle Sam.
Nagpadala angvPilipinas ng isang note verbale sa US State Department matapos ang insidente ng panlalaslas sa mukha ng isang 61-taong Fil-Am sa New York subway.
Nagpahayag ng labis na pagkabahala ang Philippine Embassy sa Washington sa dumaraming bilang ng mga pag-atake laban sa Asian-Americans.
Sa isang interview, sinabi ni Philippine Ambassador to the US Jose Manuel Romualdez na siya ay naghain ng note verbale noong nakaraang linggo.
Badya ni Romualdez: “Lumiham ako sa ilang senador, sa kanilang justice committee at sa racial discrimination committee ng US Senate, para ipaalam ang pagkabahala ng Pilipinas sa nagaganap na hate crimes.
Ayon sa balita, si Noel Quintana, isang administrative assistant, ay inatake noong umaga ng Pebrero 3 habang patungo sa trabaho. Nilaslas ang kanyang mukha nang mula sa taynga hanggang sa kabilang taynga.
Nalaman sa ulat na hindi lang si Quintana ang unang Pilipino na biktima ng “hate crimes” sa America sa gitna ng pandemic. Ayon kay Romualdez, ang hate crimes laban sa Asian-Americans ay nagsimulang dumami noong Setyembre.
Nanawagan ang PH Embassy sa federal, state at local authorities sa US na umaksiyon upang matiyak ang proteksiyon ng mga Asian, kabilang ang mga Pilipino sa iba’t ibang panig ng Amerika.
“We already called the attention of the State Department and we said that it seems like Asian-Americans are being targeted because the government back then called it (Covid-19) China virus.” Ang kanyang tinutukoy ay ang administrasyon ni ex-Pres. Donald Trump.
Samantala, sinabi ng isang grupong Stop Asian American Pacific Islander Hate, ang mga pag-atake at racial slurs laban sa Asian-Americans ay tumaas at dumami nang magsimula ang Covid-19.
Kaugnay nito, pinayuhan ng PH embassy ang mga Pinoy sa US na magsagawa ng “utmost caution” o ibayong pag-iingat bunsod ng dumaraming insidente ng hate crimes laban sa mga Asyano sa US.
-ooOoo-
Sa wakas, dumating na sa Pilipinas ang 600,000 doses ng Covid-19 vaccines noong Linggo. Nabakunahan na ang ilang opisyal ng gobyerno, DOH at FDA. Hanggang sa ngayon, hindi pa rin nababakunahan sina Pres. Rodrigo Roa Duterte at Health Sec. Francisco Duque III, pero sina vaccine czar Carlito Galvez at FDA director general Eric Domingo ay naturukan na.
Medyo napikon si PRRD sa payo (o parunggit) ni Vice Pres. Leni Robrero na dapat ay unang magpaturok sa publiko ang pangulo para makuha ang kumpiyansa ng mga tao.
Tugon ng Pangulo: “Hindi ako puwede sa Sinovac kasi bawal ito sa senior citizen. Ikaw na lang ang mauna, bata ka pa.”
Si Mano Digong ay 75 at magiging 76 anyos sa Marso 22. Si VP Leni ay 55 anyos pa lang.